Nakatakdang magdiwang ng kanyang ika-47 taong kaarawan si Manila Mayor at presidential aspirant Isko Moreno bukas, Oktubre 24, at ang kanyang kahilingan umano ay ang pagwawakas na ng pandemya at ang mapagkalooban siya at ang kanyang runningmate na Doc Willie Ong ng mamamayang Filipino ng pagkakataon na mabigyan ang bansa ng tunay na paglilingkod.
Ayon kay Moreno, hiling din niya sa mga mamamayan ng Maynila na patuloy na suportahan ang kanyang administrasyon upang matiyak ang tagumpay ng mga proyekto na kanilang sinimulan ni Vice Mayor Honey Lacuna para sa kapakanan ng mga residente ng lungsod.
Idinagdag pa ng alkalde na hinihiling din niya sa mga Manileño na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran at maging self-sufficient ang mga Filipino sa lalong madaling panahon.
Dahil naman tumapat sa araw ng Linggo ang kanyang kaarawan, sinabi ni Moreno na ipagdiriwang niya ito sa piling ng kanyang pamilya.
Aniya, magpapahinga rin muna siya mula sa trabaho na kanyang karaniwang ginagawa kahit na weekends at lagpas na sa oras ng trabaho lalo na mula Lunes hanggang Biyernes.
Binanggit din ni Moreno na magsasagawa ang kaniyang pamilya ng double celebration dahil ang isa sa kanyang anak na si Joaquin ay magdiriwang din ng kaparehong kaarawan. Si Joaquin na 20-anyos na at sumunod sa yapak ng kanyang ama sa showbusiness.
Gayundin, nagpaabot din ng kanyang pagbati ang alkalde kay Doc Willie, na ang kaarawan ay natapat rin ng Oktubre 24.
Produkto ng kahirapan, ramdam ni Moreno na siya ay pinagpala ng Panginoong Diyos at nagpapasalamat ng lubos sa pamamagitan ng pagbabalik biyaya sa pagtulong na maiahon sa kahirapan ang buhay ng mga mahihirap sa lungsod at gayundin ng mga mahihirap sa buong bansa.
“This is what I have also been teaching my children… for them to appreciate all the blessings that come their way and do good deeds to others, especially those who have less in life,” aniya pa.
Mary Ann Santiago