Isang lalaki, na inspektor umano ng Business Licensing Office ng Pasig City Hall ang inaresto sa isang entrapment operation ng mga awtoridad sa tapat mismo ng kanilang tanggapan nitong Biyernes ng hapon, matapos na umano’y manghingi ng pera mula sa isang negosyante, kapalit nang pag-iisyu sa kanya ng business permit.

Kinilala ni PMaj Jose Luis Aguirre, hepe ng Station Intelligence Section ng Pasig City Police, ang suspek na si Rannie Galang, 33, Business Licensing Inspector sa Pasig City Hall at residente ng 1,300 Dalia St., Ismar, Brgy. Kalawaan, Pasig City.

Politics

Dalawang Tulfo brothers, nanguna sa survey ng senatorial race

Samantala, nakatakas naman at tinutugis na ng mga awtoridad ang kanyang umano’y kasabwat na nakilalang si Kevin Hancel Siat, empleyado rin ng city hall.

Batay sa ulat ni Aguirre kay Pasig City Police chief PCol. Roman Arugay, nabatid na dakong alas-2:00 ng hapon nang maaresto ng mga Intelligence Operatives ang suspek sa harapan mismo ng Business Permit Licensing Office na matatagpuan sa ikalawang palapag ng Pasig City Hall Building, sa Brgy. San Nicolas, Pasig City.

Nag-ugat ang pag-aresto sa reklamo ng biktimang si Mary Rose Ruiz, 31, negosyante at residente ng Dalia St., Brgy. Sto. Tomas, Pasig City.

Nauna rito, nag-aplay umano ang complainant ng business permit sa Pasig City Business Permit and Licensing Office (BPLO) kung saan siya nilapitan ni Galang at sinabihan na mayroon siyang existing delinquent business permit na nasa pangalan ng kanyang business partner na si Luzviminda Gallardo.

Kasunod nito, nanghihingi umano ang suspek ng P8,000 mula sa biktima upang burahin ang naturang rekord at ipasilidad ang pag-iisyu ng kanilang business permit.

Kaagad namang nagtungo ang biktima sa Pasig Mega Market Administration upang beripikahin ito ngunit walang rekord na lumitaw kaya’t kaagad na isinumbong ng Market Administrator ang insidente sa Office of the Mayor at sa Station Intelligence Section (SIS).

Nagkasa ng entrapment operation ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek habang aktong tinatanggap ang marked money mula sa complainant.

Narekober ng mga awtoridad mula sa suspek ang isang genuine na P1,000 bill at pitong P1,000 na boodle money, na ginamit bilang marked money at isang Huawei cellular phone.

Ang naarestong suspek at ang kanyang kasabwat ay sasampahan ng kasong Robbery Extortion, paglabag sa Republic Act 9485 (Anti-Red Tape Act), Anti Graft and Corrupt Practices at Code of Conduct and Ethical Standards (RA 6713) sa piskalya.

“The arrest of the suspect will surely send a warning to those who are dealing with this kind of scheme,” ayon naman kay PCol Arugay.

Tiniyak rin ni PCol Arugay na ipagpapatuloy nila ang kanilang pinaigting na anti-fixer operations upang mapanagot sa mga batas ang mga taong sangkot dito.

Mary Ann Santiago