Nananatiling mababa o nasa 27 percent lang ang vaccination rate ng mga college students sa bansa, sabi ng Commission on Higher Education (CHED) nitong Biyernes, Oktubre 22.
“Ang target natin ay lahat na sana ng estudyante ay mabakunahan kasi doon sa kinuha naming data on the ground sa mga nagre-report na eskwelahan, 27 percent pa lang ng mga estudyante nationwide ang vaccinated,” ani CHED Chairman Popoy De Vera sa Laging Handa public briefing.
Para kay De Vera, mahalagang mabakunahan laban sa COVID-19 ang lahat ng estudyante kasama na ang faculty at iba pang scool personnel para unti-unti nang magbukas ang mga eskwelahan sa kolehiyo.
“Medyo malaking trabaho pa iyong ating gagawin – sana 70, 80, 90, 95 percent sa kanila ay mabakunahan,” paliwanag ni De Vera.
Sa mababang vaccination rate ng mga estudyante, mas hinihikayat ni De Vera na tulungang masiguro ang kaligtasan ng lahat sa pagbubukas ng limited face-to-face classes sa ilang programa sa kolehiyo.
Upang mabigyang-diin ang pag-aapura sa pagbabakuna sa mga tertiary students, naglunsad ng vaccination caravan ang CHED na inaasahang maglilibot sa ilang unibersidad at kolehiyo sa buong bansa para magbakuna ng higit maaari ay maraming bilang ng mga estudyante.
“When we go around the schools, we make sure that universities with low vaccine supply will get more by redirecting these to the local government units and will be specifically allocated for the students,” paliwanag ni De Vera.
Bilang intervention mula sa National Task Force, ilang bilang ng bakuna ang nakatabi na’t ilalaan sa mga estudyante, ani De Vera.
Habang hindi naman “requirement” ang COVID-19 vaccination para payagan na makadalo sa muling in-person classes, para kay De Vera, dagdag na proteksyon ito para sa mga eskwelahan at komunidad.
Batay sa ulat ng nasa 1,488 unibersidad at kolehiyo sa bansa, nasa 73 percent na mga education personnel ang bakunado na laban sa COVID-19 mula Oktubre 6, ani De Vera.
Merlina Hernando-Malipot