Tanging ang Pinoy pop (P-pop) band na SB19 mula sa bansa ang nominado sa MTV Europe Music Awards (EMA) sa kategoryang Best South East Asian Act.
Inanunsyo ng EMA ang nominasyon ng five-member group nitong Miyerkules, Oktubre 3 kung saan makakatunggali ng grupo ang iba pang artists sa rehiyon kabilang na si Naim Daniel mula Malaysia, Ink Waruntorn ng Thailand, Lyodra ng Indonesa, JJ Lin ng Singapore at ang K-ICM mula sa Vietnam.
Nagpahayag naman ng kasiyahan ang grupo sa pagkakabilang nila sa naturang pagkilala.
“We are beyond happy to announce that we are nominated at the 2021 MTV Europe Music Awards for the Best Southeast Asia Act category!”sabi ng grupo sa kanilang Facebook post.
“Muli po nating iwagayway ang ating watawat, Pilipinas! Vote for us at Webplex – MTV EMA INTL – Hybrid Homepage until Nov 10.”
Maaaring magpaabot ng suporta sa grupo sa pamamagitan ng pagboto sa voting link ng MTV EMA na magtatapos sa Nobyembre 10.
Nakatakdang ganapin ang 2021 MTV Europe Music Awards sa Hungary sa Nobyembre 15. Inaasahan ang pagdalo ng ilang bigating pangalan sa international music scene.
Binubuo nina Pablo, Stell, Josh, Ken at Justin ang award-winning Ppop phenomenon.