Pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang hatol na habambuhay na pagkakabilanggo laban sa dalawang babaeng bugaw na ilang ulit na nagbenta ng  isang 11-anyos na babae sa mga banyaga sa Angeles City, Pampanga, noong 2013.

Sina Marife Villaflores at Joan Simbillo ay napatunayang nagkasala sa kasong child trafficking, ayon na rin sa desisyon ng Angeles City Regional Trial Court Branch 61 noong 2018. Ang nabanggit na desisyon ay pinagtibay ni CA Associate Justice Ramon Cruz nitong Oktubre 11.

Napatunayang nagkasala si Villaflores sa 4 counts ng qualified child trafficking at pinagmulta rin ito ng hindi bababa sa P2 milyon at exemplary at moral damages na P200,000 sa bawat bilang ng kanyang kaso.

Guilty naman Simbillo sa kahalintulad na kaso (2 counts) at pinatawan din ng kahalintulad na parusa at multa.

Probinsya

Babaeng sumagip ng naaksidenteng aso, patay sa bundol ng van

“Human beings are not chattels whose sexual favors are bought or sold by greedy pimps. Those who profit in this way by recruiting minors are rightfully, by law, labeled as criminals. They should be the subject of aggressive law enforcement, prosecuted, tried, and when proof beyond reasonable doubt exists, punished,” ayon sa desisyon ng CA.

Sa rekord ng kaso, ang unang insidente ay naganap noong Disyembre 2013 kung saan kinunan ng litrato ang biktimang Lea (hindi tunay na pangalan), bago sila nakipagkita kay Simbillo. Nagtungo ang mga ito sa bahay ng isang banyagang si Tom na nagdala kay Lea sa isang hotel, noong Disyembre 2013.

Binigyan umano si Lea ng P2,000 at P3,000 naman ay Simbillo bago sila nakipagkita ulit kay Villaflores.

Naulit ang insidente noong Enero 1, 2014 at noong Abril 2014 ay ibinugaw din ang biktima sa ibang banyaga na nagbayad sa mga ito, ayon pa sa korte.

PNA