Nag-iwan ng mensahe si Pangalawang Pangulo Leni Robredo sa kanyang taga-suporta ngayon Huwebes, Oktubre 21.
Sa video message na in-upload sa kanyang social media accounts, sinabi nito na biglaan ang naging desisyon nila upang piliin ang "pink" bilang kulay na nagre-representa sa kanila.
Aniya, hindi nila ito pinag-usapan ngunit sa taumbayan na nanggaling ang direksyon.
"Pink ang kulay ng pag-asang nagising sa loob nating lahat. Nakita natin ang pagbaha ng pink sa mga social media feed natin, ng mga ribbon sa poste, ng mga litrato ng mga taong nagsuot ng pink para magpakita ng pakikiisa sa ipinaglalaban natin," ani Robredo.
Kasabay ng pasasalamat ay nanawagan naman si Robredo na ipakita ang pink hindi bilang isang kulay kundi uri ng pamumuhay.
"Kaya maraming, maraming salamat sa pakikiisang ito. Mahaba pa ang lalakbayin natin. Kaya may panawagan ako sa inyo: Ipakita na ang pink, hindi lang basta kulay; uri siya ng pamumuhay. Hindi lang siya damit o ribbon; kulay siya ng pagkatao na bukas, nakikinig, nagmamahal."
Paalala naman ni Robredo, madaling makipagtalo ngunit mas radikal ang magmahal.
Hinimok naman niya ang bawat Pilipino na magbigkis at bigyang-liwanag ang katotohanan.
"Rosas ang kulay ng bukas, at pag-ibig ang magdadala sa atin doon. Pag-ibig ang magpapanalo sa atin sa laban na ito," panapos mensahe ni Robredo.