Hindi pa rin pinapayagan na pumunta sa mga mall at parke ang mga menor o mga edad na nasa 18 pababa sa ilalim ng Alert level 3 sa National Capital Region (NCR), ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos nitong Huwebes, Oktubre 21.
Nilinaw ni Abalos na papayagan lamang ang mga menor de edad kung ito ay mag-aavail ng mga essential services katulad ng dental o medikal, o magsasagawa ng outdoor exercise.
“Kamukha sa malls, pupunta sa malls. Generally, bawal po ‘yan, except kung let’s say, nandoon yung dentista, andoon yung clinic, because these are essential or basic," ani Abalos sa isang online briefing.
“The rule of thumb is this: Isipin nyo, ang anak nyo walang bakuna, ang anak nyo very vulnerable. Dapat po talaga, proteksiyunan natin ang bata," dagdag pa niya.
Nitong weekend, kumakalat ang mga larawan sa social media na nagpapakita ng maraming indibidwal, kabilang ang mga bata, na dagsa umano ang tao sa isang lugar sa Taguig CIty. Ang ilang mga bata ay hindi maayos ang pagkakasuot ng kanilang face masks.
Parehas na sitwasyon sa Manila Bay na kung saan dinala ng mga magulang ang kanilang mga anak sa Dolomite beach nang ito'y buksan sa publiko.