Nais ni human rights lawyer at senatorial aspirant Jose Manuel "Chel" Diokno na ilabas ng Department of Justice (DOJ) ang buong listahan ng mga kaso na nauugnay sa kampanya ng war on drugs ng gobyerno o ang Oplan Tokhang na pumatay sa libu-libong mga Pilipino.
Kamakailan ay inilabas ng DOJ ang mga detalye sa 54 na kaso kaugnay sa anti-drug campaign ng gobyerno, ngunit sinabi ng human rights lawyer na "hindi ito ang hinihingi ng mga tao."
“Nananawagan tayo sa gobyerno na ilabas ang buong listahan para malaman natin ang katotohanan at makita natin ang tunay na larawan ng kampanyang ito na kumitil sa buhay ng libo-libong Pilipino," ani Diokno, founder ng Free Legal Assistance Group (FLAG).
“Epektibong paraan din ito upang mabantayan ng publiko ang takbo ng mga kaso at matiyak na mapaparusahan lahat ng sangkot dito," dagdag pa niya.
“Wala na bang aasahang hustisya ang mga pamilyang naiwan nila? Mananatili na lang ba itong lihim sa publiko?" tanong ng senatorial aspirant.
Maraming mga iba't ibang datos na lumalabas tungkol sa kabuuang bilang ng mga taong namatay dahil sa drug war, ngunit ipinakikita lamang ng official records ay 8,000 na namatay.
Tatakbo muli si Diokno, sa pagkasenador, matapos itong matalo noong 2019 midterm elections, sa ilalim ng slate ni Vice President Leni Robredo.