Dahil sa pagdagsa ng mga tao at pagbalewala sa social distancing, nilimitahan na muna ng Marikina City Government ang bilang ng mga bisita na maaaring makapunta sa Riverbanks Center.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, nagpasya silang kontrolin na rin ang bilang mga bisita kahit pa open area naman ang center.
Sinabi ng alkalde na nababahala silang mauwi sa posibleng hawahan ng COVID-19 ang labis na kasabikan ng mga mamamayan na makapamasyal ngayong ibinaba na sa Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR), mula sa dating Alert Level 4.
“Nabahala nga kami dahil hindi lang yun, dahil sobra ang excitement nila nakalimutan na yung minimum public health standards natin,” ani Teodoro, sa panayam sa radyo.
“Ngayon nilalagyan natin sila ng limit maski na open area. May limit ang puwedeng maka-access doon sa area na yun,” aniya pa.
Nabatid na dahil sa pagluluwag ng mga restriksiyon, dumagsa naman ang mga tao sa Riverbanks Center simula noong Oktubre 16.
Sinabi ni Teodoro na hindi lamang mga taga-Marikina ang bumibisita sa lugar, kundi may mga bisita rin mula sa Antipolo, Cainta at Quezon City.
Batay sa datos, ang Marikina ay mayroon na lamang 586 aktibong kaso ng COVID-19, kabilang dito ang 4% na nasa pagamutan.
Ayon kay Teodoro, ang naturang bilang ay bumaba na ng 27% kumpara noong nakaraang linggo.
Mary Ann Santiago