Pinag-uusapan sa social media ang isang litrato kung saan makikita ang isang tila imahen ng mukha ni Heskuristo na nasa isang bundok sa Talisayan, Misamis Oriental.
Batay sa ulat ng GMA Regional TV News nitong Miyerkules, Oktubre 20, 2021, sinabing hinihintay ng mag-anak ni Shiela Sta. Rita ang kanilang mga panindang mga isda nang maisipan nilang mag-groupie o kumuha ng group picture sa Sipaka Heights. Pagkatapos, agad nila itong ipinost sa kanilang Facebook accounts.
Dito na napansin ng mga netizens na para umanong imahen ng mukha ni Kristo ang nasa kanilang background, na nabuo sa mga punong nakatanim sa bundok na nasa kanilang likuran.
Umani man ng iba’t ibang reaksiyon ang litrato, mula sa relihiyoso at makaagham na pagtanaw, para kay Shiela ay simbolo ito ng pagpapaalala sa lahat na huwag kalilimutang magdasal, lalo na sa panahon ngayon ng pandemya.
Ayon sa Simbahang Katolika, kinakailangan pa umano itong pag-aralan nang mabuti at igalang na lamang ang paniniwala ng bawat isa, lalo na kung nakakatulong naman sa pananampalataya.
Ayon naman sa mga eksperto, ito ay tinatawag na 'pareidolia' kung saan may nabubuong imahen sa iba't ibang bagay tulad sa mga puno at bato, na hindi naman sinasadya. Kadalasan itong nangyayari sa mga ulap sa himpapawid.
Totoo man umano o hindi, magsilbi nawa raw itong paalala sa lahat na sa gitna ng krisis at mga pagsubok na ating nararanasan araw-araw, huwag tayong makakalimot at bibitiw sa ating pananampalataya sa Diyos.