Ibinahagi ni Michael V. o mas kilala bilang "Bitoy" ang nadiskubre nitong scam mula sa ilang online sellers.

Sa Facebook post ni Bitoy, ikinwento nito na may dumating na gamit sa kanilang bahay na hindi naman in-order ni Bitoy.

Ayon sa kanya, mga kasambahay niya ang tumanggap ng parcel na may lamang light stand ngunit wala naman daw itong binili online.

Dagdag pa niya, 500 pesos o mas mababa pa ang halaga ng light stand ngunit nang ipinadala ito sa kanila ay umabot sa P2,750 ang siningil sa kasambahay ni Bitoy dahil cash on delivery (COD) ang mode of payment.

House Sergeant-at-Arms kay VP Sara: 'Pinagbigyan pero sumobra!'

Sinabi ni Bitoy na kung umo-order siya online, credit card ang ginagamit niya at hindi siya nagpapa-COD, at kung magpapa-COD naman siya, ibinibilin niya ito sa kanyang kasambahay at nag-iiwan ng pera pambayad.

Aniya, "Ang ginagawa siguro nitong mga online sellers na scammers na 'to… kapag nakakuha sila ng information like name at tsaka address, papadala sila ng items sa mga tao na 'yon na tingin nila ay pwede nilang pagkakitaan."

Dagdag pa niya, na madalas, kung hindi alam ng magre-receive ng parcel ang gagawin nila ay magbabayad, at dahil peke ang cellphone number na inilagay ng seller ay hindi na mako-contact ang seller upang magreklamo.

Payo ni Bitoy, maaaring tanggihan ang riders kung wala in-order na items mula sa online markets. Ibabalik naman ng riders ang items na iyon sa seller.

Naniniwala naman si Bitoy na hindi na bago ang scam na kanyang naranasan kaya naman nagbabala siya sa publiko laban dito.

"Sa mga mahilig naman mamili online, mag-inagt kayo. Be vigilant. Abangan niyo 'yong mga scam na kagaya nito. Basta kung hindi niyo in-order, just say no," paalala ni Bitoy sa mga mamimili online.