Para sa isang grupo ng mga guro, dapat siguruhin ng Department of Education (DepEd) ang kaligtasan ng mga teaching at non-teaching personnel sa muling pagbubukas ng face-to-face classes simula Nobyembre.
“Mahalagang hakbang ang pilot implementation upang makita natin ang posibilidad ng pagbabalik sa in-person schooling, pero dapat matiyak na ligtas ang lahat ng makikilahok dito – bata, magulang, lalo na ang mga guro,” sabi ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC).
Ani TDC National Chairperson Benjo Basas, taliwas sa joint memorandum na nilabas ng DepEd at ng Department of Health (DOH), hindi dapat makilahok sa pilot implementation ang mga ‘di bakunadong guro laban sa COVID-19.
“Hindi dapat isalang ang mga guro na wala pang bakuna sa pilot face to face classes lalo’t hindi rin naman ito optional para sa mga guro,” sabi niya.
“Upang matiyak ang pananagutan dapat lumagda sa isang dokumento ang DepEd na tutulong o mananagot ang ahensiya sakaling mayroong mahawaan ng COVID-19 dahil ditto,” sabi ni Basa.
Muling hiniling ng TDC ang pakikipagdayalogo sa mga opsiyal ng DepEd para mapag-usapan ang usapin at iba pang suliranin ng mga guro sa muling pagbubukas ng pisikal na klase sa Nobyembre.
Batay sa pinakahuling datos ng DepEd, nasa 30 eskwelahan sa 59 na inisyal na inaprubahan ng DOH ang magpapatuloy sa pilot face-to-face classes na magsisimula mula Oktubre 15 hanggang Enero 31, 2022.
Merlina Hernando-Malipot