Sa panibagong panayam ng Pinoy pop (Ppop) band SB19 sa batikang mamamahayag ana si Karen Davila, ibinahagi ng grupo ang karanasan ito matapos madapuan ng coronavirus disease (COVID-19).
“Honestly kasi po niyan, ako wala po akong naramdaman nung una. Tapos ang may sakit lang po talaga si Justin at Stell,” pagbabahagi ni Pablo.
“Nung una po kasi, regular day lang na nag-re-rehearsal kami. Dun po ako nakaramdam na parang sinisipon ako, inuubo. Akala ko po normal na trangkaso lang o sakit kasi every day po kasi kami nag-re-rehearse nung time na yon kasi kasabay po nun ‘yong release ng “What” na single,” pagpapatuloy ni Stell.
Inakala rin ni Justin na fatigue lang ang nararanasang sintomas noon.
Habang hindi muna nangamba si Stell, siniguro nitong umiinom siya ng gamot at vitamins hanggang isang gabi may “kakaiba” itong naramdaman.
Dumating din sa punto na kinabahan si Stell para sa kalagayan ni Pablo, ang lider at composer ng mga kanta ng SB19.
“Isang madaling araw hindi siya makatulog. Naririnig ko siya na parang nagsasalita po. Tapos pagkatingin ko sa kanya, pawis na pawis siya at pagkahawak ko sa kanya, sobrang init niya," kwento ni Stell.
Umabot pa sa 40 degree Celsius ang body temperature ni Pablo, dagdag ni Stell.
Dahil dito, sinubukan raw ni Stell na punasan ng suka at gawin ang tradisyunal na gamutan na tinatawag na "suob."
Gayunpaman, ilang ulat na rin ang nagbabala sa epekto ng pagsusuob.
Samantala, matatandaang nakansela ang virtual music launch ng grupo para sa comeback single na “What” noong Marso dahil na-expose sa isang COVID-19 patient ang miyembro ng grupo.
Sa kabila ng karanasan, mas nasubukan ang relasyon ng SB19 hindi lang bilang miyembro kundi bilang isang pamilya, ani Davila.
Mapapanuod sa Youtube channel ni Karen Davila ang panibagong panayam ng grupo.