Iniulat ng OCTA Research Group nitong Martes na umaabot na lamang sa 0.55 ang COVID-19 reproduction number sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Dr. Guido David, ng OCTA, ito na ang pinakamababang reproduction number na naitala sa NCR simula noong Mayo 18, 2021, kung kailan nakapagtala ang rehiyon ng 0.56 na reproduction number, bago tuluyang tumaas muli matapos lamang ang isang linggo.
Ang reproduction number ay yaong bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng COVID-19 at kung mas mababa ito sa 1 ay indikasyong bumabagal ang pagkalat o hawaan ng virus.
Nauna nang iniulat ni David na noong Linggo ang reproduction number sa NCR ay nasa 0.57 habang 0.56 naman nitong Lunes.
Ayon pa kay David, ang kasalukuyang seven-day average sa NCR ay nasa 1,411 na lamang, mula sa dating 1,448.
“The reproduction number in the NCR decreased to 0.55. On May 18, the reproduction number decreased to a then-lowest value of 0.56, before increasing again a week later. At that time, the 7-day average in cases was 1,367. The current 7-day average in the NCR is 1,411. Hopefully the reproduction number stays below 0.6 until year’s end,” dagdag pa ni David, sa kanyang Twitter account.
Matatandaang sinabi na ng OCTA na ang lahat ng local government units (LGUs) sa NCR ay nasa ilalim na ngayon ng moderate risk classification sa COVID-19, base sa kanilang metrics.Sa pagtaya ng naturang grupo ng mga eksperto, kung magpapatuloy ang naturang downward trend ng mga kaso ay aabot na lamang sa 400 hanggang 600 ang maitatalang bagong arawang kaso ng sakit sa Metro Manila hanggang sa Disyembre at 3,000 hanggang 4,000 naman sa buong bansa.
Mary Ann Santiago