Matapos isiwalat ni Jayke Joson,malapit na kaibigan ni Manny Pacquiao,hinggil sa isyung tinakbuhan sila ng senador nang makuha ang₱100 milyong pera ng Paradigm Sports, nagsalita na rin ang batikang sports journalist na si Snow Badua.

Sa Facebook post ni Badua noong Oktubre 17, ibinahagi niya ang isang news article mula sa GMA News tungkol sa pamamahagi ni Senador at presidential aspirant Manny Pacquiao ng₱1,000 sa Batangas ngunit itinanggi ang vote buying.

Sa caption ni Badua, inilahad niya na hindi pa siya binabayaran ni Pacquiao bilang speech writer at MPBL commissioner.

"FYI. Di pa ko bayad ng 3 months as Senate speech writer mo and 3 months as MPBL commissioner," ani Badua.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

"Tapos nag abono pa ko sa mga meeting ng mga would be team owners sa mga restaurant na mamahalin gaya ng Mario’s, Via Mare, Annabel’s at iba pa," dagdag pa niya.

"Kami rin nag abono sa bayad ng mga pobreng events team na nagblock ng schedule tapos apat na beses mo pinakansel opening ng MPBL noon," paglalahad pa nito.

Pinatutsadahan pa ni Badua ang senador na wala itong sistema.

"Ganun ka kagulo magmando sir. Walang sistema. Ayaw sumunod sa payo. Kung ano lang maisipan mo."

Nagsilbing commissioner ng Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) si Badua sa loob ng tatlong buwan simula noong Agosto hanggang Nobyembre 2017.

Kaugnay nito, sa naging pahayag ni Jayke Joson, na isa ring business agent at dating specialassistant ni Pacquiao, siya at si Arnold Vegafria ay tinakbuhan ng senador matapos nitong makuha ang ni-raise nila ₱65 million at ang ₱100 million ng Paradigm Sports.

“Naka-raise po kami sa sarili naming pera na ₱65 million. So nakuha po niya ₱165 million sa amin. 65 sa aming dalawa ni Arnold–personal money. Nagkasanla-sanla po kami para lang ibigay at itulong kay Senador Pacquiao and then yung 100 sa Paradigm,”

Nang makuha umano ni Pacquiao ang pera, tinakbuhan sila umano nito at hindi sinunod ang kontrata.

“Pagbigay namin ng pera, nagkasanla-sanla po kami, nakuha niya ‘yung pera ng Paradigm, tinakbuhan po kami,” pahayag ni Joson.

Basahin:https://balita.net.ph/2021/10/18/%e2%82%b1100m-ng-paradigm-sports-itinakbo-nga-ba-ni-pacquiao-dating-special-assistant-nagsalita-na/

Samantala, wala pang pahayag ang kampo ni Pacquiao hinggil sa mga rebelasyon nina Badua at Joson.