Layong magbigay ng insentiba ang Department of Education (DepEd) sa mga nagtuturo at iba pang kawani ng mga eskwelahan na nagpabakuna na laban sa coronavirus disease (COVID-19).
“Bahagi ng programang ginagawa ngayon ay makabuo tayo ng incentive program para sa mga guro at kawani na nabakunahan na,” ani DepEd Assistant Secretary Malcolm Garmasa isang virtual press briefing nitong Martes, Oktubre 19.
Dahil dito ipinag-utos ni Education Secretary Leonor Briones ang pagtatayo ng isang komite sa pangunguna ni Undersecretary for Finance Anne Sevilla “to really look into either monetary and non-monetary incentive packages for our teachers.”
Mula Oktubre 8, nasa 588,561 o 56.73 percent na mga teaching at non-teaching personnel ang nakatanggap na ng unang dose ng COVID-19 o bakunado na ng dalawang doses nito mula sa mga lokal na pamahalaan.
Binanggit ni Briones na maraming sektor na ang interesadong magbigay ng insentiba sa mga guro at iba pang staff ng DepEd.
“Our sector is very fortunate because people love our teachers,”sabi ni Briones.
“Kung magbigay tayo ng rewards, magbigay tayo sa lahat. Planuhin natin yan ng husto,” dagdag ng kalihim.
Para masiguro ang kaligtasan ng lahat sa pagbubukas ng face-to-face classes sa mga low risk area simula Nobyembre 15, sinabi ni DepEd Planning Services Director Roger Masapol na dapat bakunado na ang lahat ng "teachers and school personnel involved in the pilot."
Merlina Hernando-Malipot