Sinabi ni presidential aspirant Senador Ronald "Bato" Dela Rosa nitong Martes na poprotektahan niya ang kanyang sarili at si Pangulong Duterte mula sa International Criminal Court (ICC) kung sakaling manalo siya bilang presidente. 

Nais niyang protektahan ang kanyang sarili at si Duterte dahil pareho umano silang inakusahan sa mga krimen sa ICC ng mga biktima ng "alleged state-sponsored extrajudicial killings" na dahil umano sa paninindigan ni Pangulong Duterte laban sa ilegal na droga.

“Hindi lang si President Duterte protektahan ko, pati sarili ko dahil dalawa kaming co-accused diyan sa kaso na ‘yan. So protektahan ko rin sarili ko," ani Dela Rosa sa kanyang panayam sa ANC Headstart.

Aniya kung magiging presidente siya, papayagan niyang pumunta sa Pilipinas ang ICC para mag-obserba at hindi mag-imbestiga.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Sampal yan sa ating judicial system. Sampal yan sa ating Supreme Court. Sampal yan sa ating mga courts," ayon sa dating Philippine National Police (PNP) chief.

“They are functioning, so bakit sila makikialam dito," dagdag pa niya.

Si Dela Rosa ang PNP chief noong isinagawa niya ang "Oplan Tokhang" na kampanya ng Pangulo laban sa ilegal na droga na kung saan libu-libo ang naiulat na namatay ilang buwan pa lamang ito naipapatupad.

“May nangyayari bang crimes against humanity dito sa ating bansa? Wag na tayong pumunta sa Amnesty na yan kasi alam natin na biased ang mga tao na yan dahil they are fed with lies,” ani Dela Rosa.

Habang mayroon mga pulis na inaabuso ang kanilang awtoridad sa panahon ng anti-narcotics operations, ngunit iginiit ni Dela Rosa na ang mga ito ay kinasuhan na.

“Hindi man tayo nagpapabaya diyan," ayon kay Bato.

Nangako si Dela Rosa na ipagpapatuloy niya ang "war on drugs" sakaling manalo siya sa pagkapresidente.

Gayunman, magiging iba ang kanyang diskarte sa paglutas ng ilegal na droga sa bansa. 

"You can expect there would be a deviation from this purely Duterte approach. Meron din tayong sariling nakikita na ikagaganda ng ating bansa."

Hannah Torregoza