Hindi napigilan ng Kapuso news anchor/journalist na si Atom Araullo na mag-react sa pahayag ni senatorial candidate Raffy Tulfo hinggil sa isyu na ang 'kasalanan' ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. ay kailangang ihingi ng kapatawaran ng mga anak nito, gaya ni Presidential Candidate Ferdinand 'Bongbong Marcos, Jr. o mas kilala sa inisyal na BBM.
Ayon sa tweet ni Atom nitong Oktubre 19, "1. Umamin/Acknowledge 2. Humingi ng tawad/Apologize 3. Isauli ang ninakaw/Return ill-gotten wealth."
"Lalong mahalaga ang 2 at 3 kung nakinabang at pinagtakpan ang “kasalanan” sa mahabang panahon. Bukod pa ang usapin ng kriminal na pananagutan, kung meron man."
Narito ang pinagmulan ng kaniyang reaksyon mula kay Raffy Tulfo:
"Para sa akin kasi, kasalanan ng tatay bakit maging kasalanan ng anak? Why would he apologize for something that he did not do, na ang may kagagawan ay tatay niya?" pahayag ni Tulfo sa naging panayam ng ABS-CBN sa kaniya nitong Lunes, Oktubre 18.
Kahit umano siya, hindi siya hihingi ng tawad para sa kaniyang mga kapatid na sina Erwin at Ben Tulfo, kung sakaling makagawa man sila ng kasalanan o pagkakamali sa ibang tao, kahit na sila ay tinatawag na 'Tulfo Brothers'.
"Meron na kasing mga court decision tungkol diyan, so kung meron nang court decision, pabayaan natin yung korte na i-implement yan. Kung ano pang mga kasong pending, then so be it,” aniya pa.