Binuksan nang muli ng San Juan City government nitong Lunes ang kanilang online booking system para sa mga nais na bumisita sa mga sementeryo, bilang paghahanda sa nalalapit na paggunita ng Undas sa Nobyembre.

Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, naging epektibo ang naturang sistema upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 noong nakaraang taon kaya’t nagdesisyon silang ipatupad itong muli ngayong taon.

“Last year, this was very effective in preventing super spreader events so we decided to once again implement the online booking for appointments to the cemetery to make sure we avoid having the usual crush during Undas,” pahayag pa ni Zamora nitong Lunes.

Anang alkalde, mula Oktubre 18 hanggang 28 at Nobyembre 3 hanggang 7, tanging ang mga may appointments lamang ang papayagang pumasok sa sementeryo.

National

Romina, patuloy na kumikilos pahilaga; hindi na nakaaapekto sa Kalayaan Islands

Bubuksan aniya ang sementeryo para sa mga nais bumisita sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay mula 8:00AM-10:00AM; 10:00AM-12:00NN; 12:00NN-2:00OPM; 2:00PM-4:00; 4:00PM-6:00PM at 6:00PM-8:00PM.

Nabatid na sa ilalim ng sistema, dalawang tao lamang kada booking ang papayagan sa loob ngSan Juan City Cemetery habang maximum na 300 tao lamang ang papayagan sa loob ng sementeryo kada time slot.

Kaugnay nito, nagsagawa na rin naman si Zamora ng inspeksiyon sa sementeryo dakong alas-9:30 ng umaga nitong Lunes upang matiyak na natutupad ang health at safety protocols, gayundin ang kahandaan nito na tumanggap ng mga bisita.

Ipaiiral rin naman ng lokal na pamahalaan ang Executive Order No. MFZ-093, series of 2021, na nilagdaan ni Zamora noong nakaraang linggo, at nag-aatas na isarado ang mga sementeryo at mga kolumbaryo mula Oktubre 29 hangang Nobyembre 2, upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao, na posibleng mauwi sa hawahan ng COVID-19.

Nakasaad din sa naturang kautusan ang mahigpit na pagbabawal sa pagdaraos ng Halloween celebrations gaya ng ‘Trick or Treats’.

Nauna nang nagkasundo ang mga alkalde sa Metro Manila na higpitan ang access sa mga pampubliko at pribadong sementeryo sa rehiyon, gayundin ang mga memorial parks, at columbaria mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, dahil sa nananatiling banta ng COVID-19.

Mary Ann Santiago