Kahit pa may ilang araw na ring nasa ilalim ng Alert Level 3 ang National Capital Region (NCR) ay patuloy pa ring bumababa ang reproduction number ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa rehiyon.
Ito ang isinapubliko ng OCTA Research Group nitong Lunes at sinabing ang COVID-19 reproduction number sa NCR, o bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng COVID-19, ay nasa 0.57, o may bahagyang pagbaba sa 0.58 na unang naitala.
Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal ng transmission o hawaaan ng virus.
Sa kanyang Twitter account, sinabi naman ni OCTA fellow Dr. Guido David, na ang NCR ay nakapagtala lamang ng 1,159 bagong kaso ng sakit nitong Linggo.
Ito na aniya ang pinakamababang bilang ng mga bagong kaso na naitala sa rehiyon buhat noong Hulyo 28, o bago muling isinailalim ang NCR sa enhanced community quarantine (ECQ) noong Agosto 6 hanggang 20.
Samantala, ang seven-day average sa NCR ay bumaba rin sa 1,448 habang ang positivity rate ay bumaba rin sa 9%.
“The last time positivity rate was at 9% was from July 23 to July 29,” ayon pa kay David.
Mary Ann Santiago