Viral ngayon sa Facebook ang isang 1:12 scale miniature project ni Chino Yuseco na hango sa karaniwang komunidad sa bansa. Sa Facebook group na Artist’s Lounge PH, ibinahagi ni Chino ang kanyang obra na ikinamangha ng libu-libong netizens.
Sa detalye ng miniature, aakalain kasing tunay at wala itong pinagkaiba sa aktuwal na komunidad na mayorya sa bansa.
Mula sa maliliit na detalye--sa mga ginamit na kagamitan sa tatlong tahanan kagaya ng yero na nagsilbing pader sa ilang bahagi nito, hagdanang yari sa kahoy, gulong na nagsisilbing pampabigat sa bubong, kulay ng ilaw, itsura ng sari-sari store hanggang sa mga poster ng mga politiko at palatastas na nakadikit sa mga tindahan; matagumpay itong nakuha ng miniature.
Tinawag ni Chino bilang “Brighter Tomorrow" ang espesyal na proyekto para sa ICM, isang charitable organization na ang pangunahing adhikain ay mabago ang buhay ng mga Pilipinong nasasadlak sa kahirapan.
“While building the project, I wanted to showcase hope. I named it ‘Brighter Tomorrow’ because with ICM’s goal, and people’s help, I believe things will get better,” ani Chino nang makapanayam ng Balita.
Ayon kay Chino, umabot ng higit isang buwan bago natapos ang obra na sumasalamin sa karaniwang komunidad sa bansa.
Kabilang iang Bighter Tomorrow sa mga i-u-auction sa annual Global Banquet sa Hongkong sa Oktubre 28 ang obra ni Chino. Kahanay nito ang iba pang mga obra na magmumula sa iba’t ibang parte ng mundo. Maaring mag-register sa website ng ICM upang masundan ang banquet.
Samantala, sinong mag-aaakala na sa likod ng detalyadong obra, baguhan lang din si Chino sa paggawa ng miniature? Ayon sa kanya, taong 2019 lang siya unang nagkaroon ng pagkakataong subukan ang mundo ng miniature.
“Fairly new to the world of miniatures! I’ve always been fascinated with them though since I was a kid pa. It started when I attended a toy convention last Dec 2019 and saw a guy selling dioramas,” pagbabalik-tanaw ni Chino.
“I was gonna buy it sana but then I thought maybe I can make my own for half the price. So I did some research, watched tutorials online and made my first build. Fortunately, I had fun and it turned out great so I started building more and more,” dagdag ng artist.
Naging panibagong source of income kalaunan ni Chino ang pagkukumpuni sa maliliit ngunit buhay at nakamamanghang mundo ng miniature.
Makikita rin sa kanyang Instagram ang ilan pa sa kanyang mga obra.
Sa pag-uulat nasa 49,000 reactions at 40,000 shares na ang nasabing post ni Chino sa Facebook group.