Posibleng bumaba pa ng mula 5,000 hanggang 6,000 na lamang ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 na naitatala kada araw sa bansa pagsapit ng katapusan ng Oktubre.

Ito ay batay sa pagtaya ng independiyenteng grupo ng mga eksperto na OCTA Research Group nitong Linggo.

Ayon kay Dr. Guido David, ng OCTA Research, tuluy-tuloy ang pagbuti ng mga datos sa COVID-19 sa mga nakalipas na araw dahil hindi na umaabot ng 10,000 ang bilang ng mga bagong kaso.

Aniya, sa ngayon ay nasa 0.64 na lang ang reproduction number sa buong bansa at 8,400 ang seven-day average cases.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Tuluy-tuloy pa ang pag-improve. Hopefully tuluy-tuloy pa yan, posibleng umabot pa rin ng 10,000 dahil sa backlog pero temporary lamang ito,” aniya pa, sa panayam sa teleradyo.

“Generally, ang trend natin ay pababa na although may mga lugar pa rin na ngayon pa lang nagkakaroon ng surge o pagtaas ng bilang ng kaso. Pero sa buong Pilipinas ang reproduction number ay 0.64, yung seven-day average naman ay 8,400 na lang, so bumababa siya,” ayon pa kay David.

“Maaaring by the end of October baka nasa 5,000 na lang yan, mga 5,000-6,000, so yan ang gusto nating makita siyempre na bumababa yung bilang ng kaso,” dagdag pa niya.

Samantala, sa National Capital Region (NCR) naman aniya ay patuloy pa rin ang pagbaba ng mga kaso ng sakit.

Aniya, ang seven-day average sa NCR ay nasa 1,681 na lamang ngayon habang ang reproduction number o yaong bilang ng tao na maaaring maihawa ng isang pasyente ng COVID-19 ay nasa 0.58 na lamang.

Batay naman aniya sa datos ng Department of Health (DOH) ay bumababa na rin ang hospital utilization rate, at sa Metro Manila ay nasa 47% na lang ito.

Gayunman, mataas pa rin ang intensive care unit (ICU) utilization rate sa rehiyon, kahit sa mga kalapit na rehiyon gaya ng Calabarzon at Central Luzon.

Ipinagpapalagay naman ni David na ang mas nakahahawang Delta variant ang sanhi ng marami pa ring ICU cases sa ngayon.

Pero paglilinaw niya, maging ang ICU utilization rate ay bumababa na rin sa ngayon.

Simula nitong Sabado, Oktubre 16, ang Metro Manila ay kasalukuyan nang nasa Alert Level 3 mula sa dating Alert Level 4 dahil sa pagbuti ng mga datos ng COVID-19. 

Mary Ann Santiago