Umabot na sa 1,539 ang kabuuang bilang ng mga batang may comorbidities ang nabakunahan laban sa coronavirus disease (COVID-19), ayon sa isang opisyal ng Department of Health (DOH).
“Naging successful yung ating pagbabakuna dito sa pediatric group natin na nag umpisa nung Friday. Sumatotal na po ay 1,539 na lahat [ang nabakunahan]," ayon sa panayam ni Dr. Gloria Balboa, direktor ng National Capital Region (NCR) Center for Health Development sa DZBB nitong Linggo, Oktubre 17.
Sinabi rin ni Balboa na mag-eexpand ang pagbabakuna sa mga bata sa iba't ibang ospital sa Metro Manila bukod sa walong inisyal na ospital.
“Sa bawat LGU (local government units) may napiling hospital. Napili na nila, usually LGU hospital din nila pero may iba pinili private hospital," ani Balboa.
“Bibisitahin din po natin sila to check on their preparedness,” dagdag pa niya.
Ayon sa opisyal ng DOH, mayroong sapat na bakuna. Pfizer at Moderna vaccines laman ang pinapayagang gamitin sa pediatric vaccination.
“Bago naman inumpisahan itong pagbabakuna sa mga bata, priority ang may comorbidities, meron po tayong enough na vaccines na magagamit," ani Balboa.
Dagdag din nya, mayroong 144,000 na mga batang may comorbidities na may edad 12 hanggang 17 sa Metro Manila.
“Sa buong NCR, yung ating target for 12 to 17 with comorbidities is 144,000 plus. Priority muna natin ang may comorbidities kasi sila ay vulnerable," aniya.
Natatayang nasa 1.2 milyon ang mga batang may comorbidities na may edad 12 hanggang 17 sa bansa.
Analou de Vera