Naibuking ng batikan at premyadong direktor na si 'Inang' Olivia Lamasan, na ang matagumpay na pelikulang 'Hello, Love, Goodbye' ay nakalaan sana sa isang Kapamilya loveteam, at hindi para kina Kathryn Bernardo at Kapuso actor Alden Richards.

Sa panayam ni Toni Gonzaga kay Inang sa 'ToniTalks' na umere nitong Oktubre 17, naitanong ni Toni sa direktor kung paano ba sila nagkokonsepto ng mga magagandang kuwento sa pelikula. Aniya, dumarating sa punto na may mga biglaang ideya o konsepto na pumapasok sa kaniyang isipan, kahit nasa kalagitnaan ng paliligo, o pagbangon sa umaga.

Nabanggit niya na ang Hello, Love, Goodbye ay originally para sa LizQuen, tambalan nina Liza Soberano at Enrique Gil.

"Iyang Hello, Love, Goodbye, originally for LizQuen 'yan eh…" ani Inang.

Marian, nakasungkit muli ng Best Actress award dahil sa 'Balota'

"With Alden and Kathryn?" paglilinaw ni Toni.

"Oo, and then it became Kathryn and DJ (Daniel Padilla), and then, hayun, Kathryn at Alden. Kasi at that time, Liza is doing Darna," paliwanag ni Inang.

Hindi naman nabanggit ng direktor kung bakit hindi ang tambalang KathNiel ang gumanap sa HLG, at kinailangan pa ng ibang aktor mula sa ibang network.

Naging matagumpay naman ang tambalang Kathryn at Alden kahit na kung titingnan ang naging sugal ito sa isa't isa. Ito kasi ang unang beses na naipareha sa ibang leading man si Kathryn sa pelikula, at ito naman ang unang beses ni Alden na makagawa ng pelikula sa ilalim ng Star Cinema, na movie outfit ng ABS-CBN.

Sa ngayon, ang pelikulang ito ang may hawak ng titulong 'highest grossing film of all time' na napanood noong 2019, bago ang pandemya at pagkakaroon ng restrictions sa panonood ng pelikula sa mga sinehan.