Dinampot ng pulisya ang tatlong Chinese at isang Pinoy matapos umano nilang dukutin ang isa ring Chinese sa Pasay City, kamakailan.
Under custody na ng Pasay City Police sina Zhao Lingdi, 24; Feng Xialong, 31; Hao Zhengdong, 40; at Aaron Montenegro, 40.
Sa police report, kinidnap umano ng mga ito ang biktima na si Chen Yuansen, 21, na isa ring Chinese sa Seascape Village sa CCP Complex, Barangay 76, Zone 10 ng nabanggit na lungsod, nitong Oktubre 2.
Dinala umano ang biktima sa opisina ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Williams Street, Pasay City kung saan ito ikinulong.
Humihing umano ang mga suspek ng ₱300,000 sa biktima upang hindi siya patayin.
Nagawang tawagan ng biktima ang kaibigan na si Jin Zhongguo na nagpanggap namang magdadala ng ransom sa mga suspek.
Sa pagkakataong ito, nakipag-ugnayan si Zhongguo sa mga awtoridad na agad na nagkasa ng entrapment operation na ikinaaresto ng apat sa Sequoia Hotel, Aseana City, Business Park, Parañaque City, nitong Oktubre 15, dakong 8:30 ng gabi.
Narekober sa mga suspek ang puting Toyota Hi Ace Commuter van (NEF-4546) na nakarehistro sa isang kay Hui Zhang.
Kaugnay nito, kinumpirma ni Pasay City Police chief, Col. Cesar Paday-os na kinasuhan na nila ng kidnapping with serious illegal detention ang mga suspek na nakatakdang iharap sa mga mamamahayag sa Lunes, Oktubre 18.