Aminado ang Kapamilya actor na si Zanjoe Marudo na marami sa kaniyang mga kasama sa teleseryeng 'The Broken Marriage Vow' ang nabubuwisit at naiinis sa kaniya.

Hindi dahil sa ugali niya, kundi sa 'pasaway' na karakter na papel niya sa naturang Filipino adaptation ng 'Doctor Foster' ng BBC One Drama Series, at 'World of the Married' ng South Korea.

In character daw talaga si Zanjoe kaya pati ang mga kasamang artista, staff at crew ay nadadala sa mga eksena habang sila ay nasa lock-in taping.

Si Jodi Sta. Maria ang gaganap na misis niyang doktor habang si Sue Ramirez naman ang gaganap na kabit niya. Si Zaijan Jaranilla naman ang gaganap na anak na lalaki nila ni Jodi.

Tsika at Intriga

'Magkagalit sila?' Dennis, Ruru 'di raw nagpansinan sa set ng 'Green Bones'

At kapag naipalabas na umano ang serye, pati umano mga manonood ay maiinis at mabubuwisit sa kaniyang karakter.

“Maaasar kayo sa akin, maaasar talaga kayo sa akin dito sa show na ‘to,” sabi ni Zanjoe sa panayam ng ABS-CBN.

"Talagang gagawin ko ‘yung best ko para kahit paano, maipa-intindi sa audience kung bakit may ganoong klaseng tao, kung bakit napupunta siya sa ganoong sitwasyon, kung bakit ka nagmamahal ng dalawang babae."

“Alam kong mali. Alam kong hindi siya tama, dahil may mga natatapakan, may mga nasasaktan. Pero sana, sa show na ‘to, maipaliwanag kung bakit napupunta sa ganoong sitwasyon ang tao, babae man ‘yan o lalaki,” paliwanag pa ni Z.

Hangang-hanga naman siya sa production team dahil kakaiba raw ang shots dito, na para bang 'namboboso' o nakiki-tsismis sa mga kaganapan sa buhay ng iyong kapitbahay, lalo't uso ngayon ang taguring 'Maritess'.

"Ngayon lang ako nakaramdam ng habang ginagawa pa ‘yung show, hindi pa pinapalabas, positive na ‘yung nararamdaman ko."

“Nagiging proud na agad ako, hindi pa man tapos, wala pa man sa kalahati. Nandoon na ‘yung pagiging proud ko doon sa show."

Ang huling teleserye ni Zanjoe sa Kapamilya Channel kahit na nagka-pandemya at walang prangkisa ang ABS-CBN ay ang 'Walang Hanggang Paalam'. Si Jodi naman ay ang 'Ang Sa Iyo Ay Akin'.