May panawagan ang Kapamilya actress na si Janine Gutierrez na huwag paniwalaan ang isang umano'y 'bastos' na tweet niya kaugnay kay dating senador at presidential candidate Ferdinand 'Bongbong' Marcos, Jr. o BBM, na ginawa itong katatawanan sa isang litrato.
Ayon sa paliwanag ni Janine, hindi umano siya ang nag-tweet nito, at hindi umano siya ganoon kababaw para gawin ito. Nakasaad kasi sa tweet na nakapangalan sa kaniya na 'Yuck! Baskil. Maraming ninakaw sa bayan pero, dugyot' na may kalakip na litrato ni BBM habang nakataas ang mga kamay.
"Hey everyone! This is fake. I never tweeted this. Kung kilala n'yo ako, hindi ko naman talaga katunog ito. Hindi tayo mababaw. Hindi importante ang itsura o panlabas na anyo ng isang politiko. Doon tayo sa facts lang, lalo na ngayong eleksyon," aniya.
Dagdag pa niya, "Mag-iingat sa fake news, guys!"
Umani naman ito ng iba't ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.
"Akala ko Ms. Janine ikaw na talaga nag-post, napaisip tuloy ako. Pero alam ko, hindi ka ganyang tao. Hindi ako maka Bongbong pero dapat lahat tayo marunong rumespeto."
"Edukada si Janine. Hindi ganyan ang level niya."
"Sus, 'di ba nga pa-#NeverAgain, #NeverAgain ka pa? Ngayong naba-bash, kakambyo na hindi raw siya?"
"Ikaw 'yan! Sus! Di ba nga ayaw mo kay BBM?"
"We know Janine has a class… sana wala nang mag-spread ng fake news."
Kilala si Janine bilang vocal sa kaniyang political views na ibinabahagi niya sa Twitter.