Nagdagdag pa ang Commission on Elections (Comelec) ng oras at araw para sa isinasagawa nilang voter registration sa National Capital Region (NCR) at ilang piling lugar sa bansa.

Sa isang paabiso, sinabi ng Comelec na mula Lunes hanggang Biyernes ay magiging hanggang alas-7:00 ng gabi na ang voter registration hours sa NCR mula sa dating hanggang alas-5:00 ng hapon lamang.

Magdaraos na rin sila ng voter registration tuwing araw ng Sabado ngunit mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon lamang ito.

Bukod naman sa NCR, ilan pa sa mga lugar kung saan ipaiiral ang pagdaragdag ng oras at araw ng parehistrohan simula nitong Oktubre 16, ay ang mga munisipalidad ng Alcala at San Quintin sa Pangasinan; Tarlac City at mga munisipalidad ng Capas at Concepcion sa Tarlac; lahat ng munisipalidad at lungsod sa Quezon Province; Labo, Camarines Norte; Castilla, Sorsogon; at mga lungsod ng Cebu, Mandaue at Lapu-Lapu sa Cebu Province.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Samantala, ang mga lugar naman na magkakaroon na rin ng Saturday registration sa Oktubre 16 at 23, ngunit hindi naman mag-e-extend ng weekday voting hours, ay ang mga munisipalidad ng Anda, Sto. Tomas at Sual sa Pangasinan; munisipalidad ng Aringay, Balaoan at Caba sa La Union; lahat ng lungsod at munisipalidad sa Ilocos Sur; at munisipalidad ng Balatan, Bula, Cabusao, Goa, Lagonoy, Libmanan, Magarao, Minalabac, Ragay, Sagnay, San Fernando, San Jose, Tigaon at Tinambac sa Camarines Sur.

“The rest of the country will follow the registration days and hours of Mondays to Fridays, 8:00 A.M. to 5:00 P.M. However, registration will be conducted on the last day, October 30, 2021, which is a Saturday,” ayon pa sa Comelec.

“To reiterate, all types of application will be accepted, not just those that may come from first-time registrants,” dagdag pa ni Comelec Spokesperson James Jimenez.

“The last leg of voter registration will be held mostly in areas which can accommodate a higher number of registrants such as in select malls of Robinsons Malls, Ayala Malls and SM Supermalls,” anito pa.

Maaari rin umano silang maglagay pa ng satellite registration site sa mga gymnasiums, at iba pang commercial establishments at iba pang malalaking espasyo, ngunit hindi sa mga barangay.

Mayroon pa rin namang registration na idinaraos sa mga OEOs sa ilang lokalidad.

Matatandaang ang huling araw ng voter registration sa bansa ay noong Setyembre 30 pa sana.

Gayunman, pinalawig pa ito ng Comelec ng mula Oktubre 11 hanggang 30 upang mas marami pang botante ang makapagparehistro.  

Mary Ann Santiago