Nadagdagan ng isa pang second generation player ang mga kabataang Pinoy na manlalaro sa Japan B.League.
Pinakabagong nadagdag si Matthew Aquino, anak ni dating PBA star Marlou Aquino na lumagda ng 3-year deal sa Division I team Shinshu.
Nasa Japan na ngayon ang 24-anyos na si Aquino at nakapag-ensayo na rin ito kasama ng kanyang koponan.
“Unang-una napakasaya. Very blessed because only a few people are given this opportunity,” wika ni Aquino sa pagkakataong ibinigay sa kanya.
“Yung fact na I’m doing what I’m enjoying, talagang blessing to be here,” dagdag nito.
Pero hindi gaya ng naunang walong Filipino players na bahagi na rin ngayon ng liga na kinabibilangan nina Thirdy Ravena (San-En), Kiefer Ravena (Shiga), Javi Gomez de Liano (Ibaraki), Bobby Ray Parks Jr. (Nagoya), Kobe Paras (Niigata), Dwight Ramos (Toyama), Juan Gomez de Liano (Tokyo Z) at Kemark Carino (Aomori), si Aquino ay hindi klasipikadong Asian Quota Player dahil isang Haponesa ang kanyang inang si Shiela.
“Grandmother ko is Japanese then napasa sa mom ko and then sa akin,” ani Aquino.Inaasahang makatutulong ni Aquino, para pangunahan ang kampanya ng Brave Warriors sina 6-foot-10 American Josh Hawkinson, 6-foot-11 American Wayne Marshall, 6-foot-7 American Anthony McHenry, at 6-foot-6 Korean guard Jaemin Yang.
Ibinahagi rin ni Aquino na wala siyang naging problema sa adjustment sa bago niyang koonan dahil madaling kausap, lapitan at pakisamahan ang kanyang mga teammates maging ang kanilang head coach at general manager na si Michael Katsuhisa at team president and CEO Masahiko Katagai.
Marivic Awitan