Anim na lalaking pawang hinihinalang mga holdaper ang patay nang makaengkwentro ang mga pulis sa Antipolo City, Rizal nitong Huwebes ng madaling araw.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga napatay na suspek na sinasabing umano’y sangkot sa serye ng mga robbery holdup sa National Capital Region (NCR), CALABARZON at Central Luzon, at dati na umanong minamanmanan ng Highway Patrol Group (HPG) at Rizal Police Provincial Office (RPPO).
Batay sa ulat ng Antipolo City Police chief, na pinamumunuan ni PCol Joey Arandia, dakong ala-1:30 ng madaling araw nitong Huwebes nang maganap ang engkwentro sa Marcos Highway sa Sitio Boso-Boso, Brgy. San Jose, Antipolo City.
Nauna rito, nakatanggap ng intelligence report ang mga awtoridad na magsasagawa ang grupo ng serye ng robbery holdup sa mga maliit na establisimyento sa Rizal.
Dahil dito, nakaalerto na ang mga pulis Antipolo at nakabantay sa posibleng pag-atake ng grupo.
Napuna naman umano ng SOD-Intel Tracker Team ang mga suspek, na ang apat ay sakay ng isang Sedan at dalawa ang magkaangkas sa isang motorsiklo, na kahina-hinalang nagmamatyag sa isang kilalang gasolinahan sa lugar.
Dahil dito, kaagad na nagtungo ang mga awtoridad sa lugar upang sitahin ang mga suspek ngunit kaagad umano silang pinaputukan ng mga suspek at saka mabilis na tumakas patungo sa direksyon ng Baras, Rizal.
Hinabol naman sila ng HPG at na-monitor ng Antipolo Police ang insidente kaya’t naglatag ng road block sa Marcos Highway.
Hinarang ng mga pulis ang mga suspek sanhi upang sumemplang ang motorsiklo ng mga ito habang nabangga naman sa steel barrier sa gilid ng kalsada ang Sedan.
Dito na nakorner ng mga pulis ang mga suspek at tinangkang pasukuin.
Gayunman, sa halip na sumuko ay nanlaban pa ang mga suspek at nagtangkang tumakas, kaya’t napilitang gumanti ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakapatay sa mga ito.
Isang pulis rin naman ang tinamaan ng bala sa engkwentro ngunit ligtas naman ang kalagayan nito dahil sa suot na bullet-proof vest.
Narekober ng mga awtoridad mula sa mga suspek ang anim na iba’t ibang uri ng armas.
Nakumpiska rin ang ginamit nilang sasakyan na isang brown Kia Rio Sedan na may nakakabit na plakang ABQ-2011 ngunit natuklasang naka-assign pala sa isang Nissan Almera, at isang puting Yamaha Mio Soul na may plate number na 4967UG.
Mary Ann Santiago