Dalawang babae ang patay nang pagsasaksakin ng isang lalaki na nakaalitan ng isa sa kanila sa Taytay, Rizal nitong Miyerkules.
Ang mga biktima ay kinilala lamang na sina Marinel Olanio at Aiza Canape habang nakatakas naman ang suspek na nakilala lang sa alyas na ‘June Granadino.’
Batay sa ulat ng Taytay Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-10:00 ng umaga nang maganap ang krimen sa Purok 4, B1, Lot 39, Matalino St., Kupang Arenda, sa Brgy. Sta. Ana, sa Taytay.
Lumilitaw sa inisyal na imbestigasyon na bago ang insidente ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan nina Olanio at Granadino sa 'di pa batid na kadahilanan.
Sa kasagsagan ng argumento, bigla na lang umanong nagbunot ng patalim ang suspek at pinag-uundayan ng saksak si Olanio sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.
Tinangka naman ni Canape na awatin ang suspek ngunit maging siya ay pinagsasaksak rin nito sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nang makitang duguan na ang mga biktima ay mabilis nang tumakas ang suspek patungo sa di pa batid na direksiyon, bitbit ang patalim na ginamit sa krimen.
Naglunsad na ng manhunt operation ang mga awtoridad para sa agarang ikaaaresto ng suspek.
Mary Ann Santiago