Nagsalita na ang Kapamilya actor na si Jake Cuenca sa isyung kinasangkutan niya, na umano'y pagbangga niya sa sasakyan ng mga operatiba, na nauwi naman sa habulan at pagpapaputok pa ng baril mula sa pulisya.

Ayon sa panayam ng TV Patrol, papunta si Jake sa bahay ng kaniyang kaibigan at kapwa Kapamilya actor na si Paulo Avelino noong mga oras na iyon, na nagkataon namang nagsasagawa ng buy-bust operation ang mga pulis sa Shaw Boulevard.

Ani Jake, nakasibilyan kasi o hindi nakasuot ng uniporme ang mga pumapara sa kaniya, kaya sinunod niya ang kaniyang instinct na huwag huminto at bumaba. Inakala niyang mga masasamang-loob ito. Hindi niya umano naramdamang nakabangga na pala siya ng gilid ng sasakyan, dahil kung titingnan umano ang kaniyang kotse, wala itong gasgas maliban na lang sa butas sa gulong na likha ng gunshot, na mula sa mga taong nakasibilyan.

"There is an operation going around, and people are just doing their jobs, and I completely understand that," ayon pa sa aktor.

Tsika at Intriga

'Back to you mamang!' Chloe, rumesbak kay Ai Ai matapos hiwalayan ni Gerald?

Nakalma lamang umano si Jake nang makarinig ng sirena mula sa police patrol at makita niyang may mga unipormadong tao na ang pumapara sa kaniya. Dito na siya tuluyang huminto.

Nagulat pa umano si Jake nang malaman niyang siya pala ang hinahabol ng mga pulis at hindi ang inakalang mga sibilyan na pinaputukan ang gulong ng kaniyang sasakyan.

"I followed due process. Hindi ako nanlaban. Hindi ko sila pinahirapan," aniya pa.

Nalulungkot si Jake dahil maraming iba't ibang bersyon ngayon ng kuwento ang lumulutang sa social media, kaya minabuti na niyang magsalita, lalo't pati ang kaniyang nobyang si Kylie Verzosa ay nadadawit na rin. Paglilinaw niya, hindi siya nakulong, kahit na ilang beses pang hinalughog ang kaniyang sasakyan, na cleared naman sa anumang bagay na ilegal.

Gagawa rin umano siya ng aksyon para naman sa delivery rider na nadamay sa pamamaril sa kaniyang gulong.

"Despite the fact that the police are taking the responsibility, I also want to extend my hand," pahayag pa ni Jake.

Nabawi na umano ni Jake ang kaniyang sasakyan, subalit na-trauma siya sa mga nangyari. Multiple gunshots ang natamo ng kaniyang sasakyan, at isa rito ay malapit pa sa makina kung saan matatagpuan ang gasolina.

Wala umanong isasampang kaso si Jake sa mga pulis; ang nais lamang niya ngayon ay maresolba ang gulo.