Patuloy na pinag-uusapan ngayon ang viral Facebook post ng singer na si Patricia Ivy Peñano matapos niyang ibahagi ang naging usapan nila ng isang estrangherong Facebook user, na kinukuha siyang wedding singer sa nalalapit nitong kasal, matapos siyang mapanood sa isang singing game show sa telebisyon.
Si Patricia ay naging isang 'Secret Songer' sa ABS-CBN show na 'I Can See Your Voice' hosted by Luis Manzano.
"Tbh matagal ko na gustong ipost to wala lang ako lakas ng loob. Since may mga nagpost naman ng ganito so nagkaron ako ng lakas ng loob. Gusto ko rin i-share 'to. Pero tinakpan ko yung pic at name ni Koya di naman ako ganoon kasama para ipahiya siya sa social media," ani Patricia sa panimula ng kaniyang Facebook post.
Batay sa inilakip niyang screengrab ng kanilang palitan ng chat, kinukuha nito si Patricia na maging wedding singer ng naturang lalaki sa kasal nito; 20 kanta ang nais nitong ipaawit sa kaniya upang masiyahan umano ang kaniyang bride.
"Siguro nga uso ngayon yung pakapalan ng… sa totoo lang ang daming beses ko na na-encounter yung may magpi-PM sa akin n hindi ko kilala pero ni-refer ng kakilala ko ganoyn! Tapos kukunin sa ganito, ganyan pero ngayon lang ako naka-encounter ng ganitong tao. Knowing na hindi kami mag-kakilala."
"Okay lang sana mag demand tayo pero wag sobra. Sa totoo lang, nakakatawa yung mga ganitong tao. Penge po kapal ng mukha."
Nang tanungin daw kasi ni Patricia kung magkano ang budget ng groom para sa kaniyang gagawing pagkanta, nagtaka pa ito sa kaniya at ang sabi ay kung puwedeng libre na lamang. Mapaparami naman umano ang followers niya sa social media pagkatapos ng performance niya at puwede naman siyang kumain sa reception. Kamag-anak din umano siya ng isang mayor.
Lahat umano ng mga videos niya sa kasal ay ipapakalat sa social media upang dumami at humakot ng followers niya.
"I sing to EXPRESS not to IMPRESS. NOTE THAT. (Motto 'yan ng mga singers haha) Iyo na po ang followers mo, anong gagawin ko diyan? Magkakapera ba ko diyan? Don't get me wrong people, hindi sa mukhang pera gaya ng sabi niyang nag-chat hahahahaha practically speaking ang pagkanta sa panahon ngayon pinagkakakitaan na. May mga bagay na dapat nating paglaanan ng pera, may utang na dapat bayaran at pagkain na dapat paglaanan. That's why."
"Sobrang hassle kaya ng hinihiling ni Koya mo. 20 SONGS PARA LANG PASIKATIN AKO AT BIGYAN NG FOLLOWERS TAPOS PAKAKAININ PA DAW AKO SA RECEPTION. JUSKO! Mukha po ba akong matakaw? Medyo lang naman hahahaha kidding aside pero di naman po makapal ang mukha ko."
Nang tumanggi siya sa alok nito, sinabihan siya na mukhang pera, hindi pa sikat pero may attitude na, at minura pa siya. Nilait pa nito ang mga singers na kaya lang naman daw kumakanta ay para magpasikat. Kaya agad niya itong bin-lock.
Panawagan ni Patricia, hindi naman sa pagiging mukhang pera ng mga gaya niya, subalit sana raw ay matutong magbigay ng pagpapahalaga sa mga artists na gaya niya.
"Sana matuto tayong mag-value ng bagay na ipinagkaloob ng Diyos. Matuto tayong mag-value ng artists. Hindi biro ang maging isang singer.Tinakpan ko yung name and picture for his own risk. Di naman ako ganon kasama para mamahiya ng tao. Pinost ko po para lang aware tayo sa ganitong tao."