Pinag-usapan ng mga netizens ang ibinahaging engkuwentro ng Facebook user na si Jasmin Lorica, sa lolo taxi driver na kaniyang napara at nasakyan. Pinamagatan niya itong “Tumanda akong mag isa at malungkot."

Salaysay niya, sa kahabaan ng traffic ay naisipan niyang makipagkwentuan sa matandang driver ng taxi na nasakyan niya.

Kinumusta niya ang kita nito sa pamamasada at maging ang mataas na presyo ng gasolina. Napag-alaman niyang kumikita naman ito nang sapat at may sobra pa nga. 66 na taong gulang na rin umano ito.

Maya-maya, nausisa niya ang matanda kung sa edad ba nito, may mga bagay pa ba itong pinagsisisihan sa buhay niya?

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

"Siguro yung hindi ako nagka-anak. Kahit anak lang sana masaya na ako. Niloko kasi ako ng kinasama ko dati. Sumubok ulit ako magmahal ulit pero hindi rin kami nagkasundo," sagot ng matandang taxi driver.

Napag-alaman ng netizen na dating may kaya sa buhay ang naturang taxi driver at nag-aral sa Ateneo.

"Pinili ko na lang maging mabuting anak, inalagaan ko nanay ko hanggang sa noong nawala na siya, ako na lang mag-isa. Hindi naman sa pag-aano pero Atenista ako noon. May kaya ang pamilya namin. Pero hindi kami magkasundo ng kapatid ko kaya pinili ko na mabuhay mag-isa."

Bukod dito, ginawa na rin nitong tulugan ang taxi na kaniyang minamaneho.

"Dito na rin ako sa taxi natutulog tapos biyahe ulit araw-araw, ganoon lang ang buhay ko."

"Pero masaya naman po kayo?" tanong ulit ng netizen. Nabagbag ang kalooban niya sa tugon nito.

"Tumanda akong malungkot, mag-isa."

Sa simpleng pakikipagkuwentuhan na iyon sa lolo taxi driver, nakapagnilay-nilay ang netizen at nagbigay siya ng mga 'moral lesson' na kaniyang nakuha mula rito.

"Find your happiness. Sana mahanap natin yung mga bagay na makakapagpasaya sa atin bago pa tayo maging paruparo. Ang kaibahan ng oras sa pera, yung pera nakikita natin kung konti or paubos na, yung oras natin dito sa mundo hindi. Hindi palaging masaya ang buhay pero may choice ka."

"Iwasan natin manloko, makasakit. Hindi madali makalimot at magpatawad agad para sa iba. Hindi kumplikado ang love, tao lang nagpapakumplikado ng sitwasyon. Bawi tayo habang may oras pa."

As of this writing ay may 51k reactions at 53k shares na ang naturang Facebook post.

Sa mga nais umanong magpaabot ng anumang tulong sa naturang lolo taxi driver, makipag-ugnayan lamang kay Jasmin Lorica.