Nasa balag ngayon ng alanganin ang mag-amang sina Quezon Governor Danilo Suarez at Atty. Joana Suarez matapos kasuhan ng kriminal at administratibo sa Office of the Ombudsman, kamakailan.
Kabilang sa isinampa ang kasong accessory to the crime of kidnapping at serious illegal detention with rape, obstruction of justice, accessory to the crime of child abuse at paglabag sa Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).
Bukod dito, nahaharap din ang mag-ama sa kasong administratibo katulad ng grave abuse of authority, grave misconduct, dishonesty, oppression at paglabag sa Republic Act 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees).
Sa pahayag naman ng Citizens Movement Against Corruption, Crime, Illegal Drugs and Gambling, Inc., isinampa sa anti-graft agency ang reklamo ni Rose Rosario Tapiador, ina ng biktimang si Karen (hindi tunay na pangalan), na kinidnap, ikinulong at paulit-ulit umanong ginahasa ni Lopez, Quezon Councilor Arkie Manuel Ortiz-Yulde sa isang hotel sa Rosales, Pangasinan mula nitong Abril 17-22.
Pinipilit umanong inaareglong gobernador, sa pamamagitan ng kanyang anak na si Joana, ang kasong kidnapping and serious illegal detention with rape at child abuse na isinampa ng biktima laban kay Yulde, ayon sa affidavit of complaint ni Tapiador.
Kinukumbinsi umano ni Atty. Suarez ang mag-ina na magbibigay ang gobernador ng₱3 milyong bilang kabayaran sa kaso ni Yulde. Gayunman, tumanggi ang biktima at nanindigang "kailangan nito ang hustisya."
Sa sinumpaang salaysay naman ni Anamarie Santiago, pinsan ni Tapiador, bago niya sinamahan si Atty. Suarez sa bahay ng mag-ina upang aregluhin sana ang kaso, ay ipinadukot muna umano ito ng gobernador sa tatlo nitong bodyguard nitong Setyembre 22 ng madaling araw.
Kaugnay nito, hiniling din ni Tapiador sa Ombudsman na suspendihin ang gobernador sa puwesto habang dinidinig ang kaso upang hindi nito maimpluwensiyahan ang mga testigo.