Mukhang 'hilong-talilong' ngayon si Megastar Sharon Cuneta dahil sa mga nangyayari ngayon sa kaniyang pamilya, kung pag-uusapan ang aspetong politikal.
Mukhang naiipit ngayon sa pagitan ng dalawang nag-uumpugang bato si Mega dahil sa pagiging magkalaban nina Senate President Tito Sotto III at Senador Francis 'Kiko' Pangilinan, sa pagtakbo bilang Pangalawang Pangulo ng bansa sa darating na halalan sa 2022; sino ang pipiliin niyang suportahan---ang asawa ng kaniyang tita o ang mismong mister niya?
Ayon sa Instagram post ni Mega, masaya siyang nakauwi na siya ng Pilipinas at sumasailalim ngayon sa quarantine, subalit mabigat ang kaniyang puso dahil sa alalahaning ito. Aniya, hindi umano niya alam kung anong nagawa niyang pagkakamali sa buhay para danasin niyang maipit sa isang sitwasyon kung saan kailangan niyang mamili sa dalawang lalaking mahal niya, na sa ngayon ay magiging magkalaban sa darating na halalan.
"I come home with a happy, but heavy heart. Two men I greatly love---one whom I have known since birth, and the other, one I exchanged solemn vows with twenty-five years ago, are about to vie for the second highest position in the country, and once again, I do not know what I could have done so wrong to find myself in the midst of two rocks," ani Mega.
Hiling ni Mega, sana ay matapos na kaagad ito.
"What could I do? I pray that after this game called politics is over, that wounds are healed, loved ones do not doubt your love for them, and I and my sisters, especially, the only family I have left besides my own, find our way back to one another’s arms, unscathed and free of the pain our battle scars have brought us."
Humihingi naman ng panalangin si Mega sa publiko.
"It is most difficult for us in the periphery, who never imagined we would be in this position. May God bless us all. May God help me through this trying period…Please pray for all of us…"
Ang ina ni Sharon na si Elaine Gamboa ay kapatid ng aktres na si Helen Gamboa, na misis naman ni Senate President Tito Sotto III.