Nitong Oktubre 11, 2021 ay opisyal at pormal nang nai-welcome sa 24 Oras, ang flagship newscast ng GMA Network sa Primetime, ang bagong Kapusong si Kuya Kim Atienza, matapos ang pinag-usapan niyang paglipat sa mahigpit na katunggali ng kaniyang home network na ABS-CBN, na naging tahanan niya sa loob ng 17 taon.
Trending sa Twitter ang hashtag na '#KuyaKimAnoNa, na titulo ng kaniyang special segment sa pinakadulong bahagi ng newscast. Hindi lamang mga Kapuso televiewers ang nag-abang sa kaniya, kundi maging mga Kapamilya, dahil curious sila kung ano naman ang mga markado at bibitiwang mga taglines ni Kuya Kim. Pinasikat ni Kuya Kim ang tagline na 'Ang Buhay ay Weather Weather Lang' sa tuwing matatapos ang kaniyang ulat-panahon sa 'TV Patrol'.
Itinampok niya sa kaniyang pilot segment ang hinggil sa mga buwaya. Tumagal ang kuhang video ng halos 2 minuto, at ang live studio naman ay may hawak siyang baby crocodile.
Mainit siyang tinanggap ng mga news anchors ng 24 Oras na sina Mel Tiangco, Vicky Morales, at Mike Enriquez. Masayang-masaya umano si Kuya Kim sa mainit at maalab na pagmamahal at pagtanggap ng mga Kapuso sa kaniya.
"Sa lahat ng mga Kapuso, maraming salamat sa napakainit na pagtanggap ninyo sa akin bilang bagong Kapuso I shall do my best to be the best Kuya Kim that I can be, by God's grace. Maraming-maraming salamat!" pahayag ni Kuya Kim.
Ang closing spiels naman niya ay "Laging tandaan, Kim-portante ang may alam! Sagot ko kayo, 24 Oras. Kim-sahamnida!"
Mukhang masaya naman si Kuya Kim sa bagong tahanang kinalalagyan niya ngayon. Bukod sa 24 Oras, siya rin ang mangunguna sa educational and informative show na 'Dapat Alam Mo' sa GTV, sister station ng GMA.
"Glad to be Kapuso. Maraming-maraming salamat," saad niya sa isang tweet.
At mukhang karamihan naman sa mga televiewers ay nagbigay ng kanilang positibong feedback at pagbati sa pilot segment ni Kuya Kim.
"Congratulations, Kuya Kim! Ang bongga ng pilot episode mo, binigyan ka talaga ng time to shine. Mas exciting na lalong manood ng 24 Oras tuwing weekdays. Puwede ka na mag-produce ng docus, na talaga namang magaling ang GMA. More projects to come sa Kapuso Network!"
"You can start doing documentaries na po… kanina parang nagdodocu ka na… congratulations! #kuyakimanona."
"Ang haba ng segment n'yo sa 24 oras Kuya Kim. Talagang marami kaming malalaman na hindi pa namin alam. Congratulations Kuya Kim and congrats for being proud to be Kapuso."
"See? Okay lang naman lumipat ng network eh. The Kapamilyas won't take it against the person basta ba nagpaalam ito nang maayos. Kaya Kuya Kim, kahit ikaw pa'y lumipat na sa Kamuning — kita mo naman ika'y buhat-buhat pa rin namin. #KuyaKimAnoNa."
"Wherever you go, Kuya, your talent, faith and wisdom will always beat the odds."
Pero sa kabilang banda, may mga netizens din na tila hindi pa rin sanay na sa dating kalabang TV program napapanood si Kuya Kim.
"Sana hindi mo na lang tinapatan ang TV Patrol! Delicadeza lang!"
"I hate you Kuya Kim, hindi ka namin mapanood sa TV Patrol para magbalita tungkol sa bagyo."
"Sana sa paglipat mo po Kuya Kim hindi ka sa katapat na news na pinanggalingan mo pumasok na show for delikadeza lang po."
"Copy cat. Ginaya ang TV Patrol. Ganoon din naman ginagawa niya sa kabila."
"Ok lang lumipat pero sana hindi sa katapat na news program siya pumasok bilang respeto."
"Don't get me wrong... pero to give respect sa program na inalisan niya, sana hindi na lang niya tinapatan, sa saktong kalaban at times slot kung saan siya nanggaling for how many years na almost same platform din naman ginagawa niya. Just saying. But anyway, happy to watch you in GMA."
Sa kabila nito, nagpasalamat pa rin si Kuya Kim sa lahat ng mga sumusuporta sa kaniya, Kapamilya man o Kapuso.
"God is good! Maraming-maraming salamat! Historical first day for me. #kuyakimanona #kapuso #24oras," pahayag pa niya sa isang tweet.
Samantala, kasabay nito ay ipinakilala na ang 'bagong mukha' ng TV Patrol. Balik na ulit bilang isa sa mga main news anchors si Karen Davila. Nariyan pa rin sina Henry Omaga-Diaz at si Bernadette Sembrano.
Marami naman ang nagtatanong kung kailan ipakikilala ang weather man na itatapat kay Kuya Kim, na espekulasyon ng marami, ay si Migs Bustos na sportscaster sa ANC.