Tuwing panahon ng paghahain ng mga certificate of candidacy (COC) hindi nawawala ang mga umanong "nuisance candidate."
Kaugnay nito, muli naging matunog ang pangalan ni Rolando Plaza, o mas kilala bilang Rastaman, sa social media dahil binalikan ng mga netizens ang paghahain nito ng certificate of candidacy (COC) sa pagka-senador noong 2019 midterm elections.
Ang kanyang adbokasiya ay ang South China Sea o ang West Philippine Sea.
Sa isang kumakalat na video, ipinakilala niya ang sarili niya bilang "Rastaman: Half human half zombie." Ipinakita rin niya ang mga mistulang tattoo sa mukha niya.
Aniya, ang triangle na nasa mukha niya ay ang "third eye" umano niya, habang may infinity sign din siya sa bandang pisngi, at motorsiklo naman sa kanyang bandang noo.
Sa kanyang panayam sa GMA news noong Oktubre 2018, sinabi niya na dapat umanong umaksyon ang Senado sa pananakop umano ng China sa West Philippine Sea o kung hindi ay mabubura ang Pilipinas mula sa world map.
Nagsalita rin siya laban kay Pangulong Duterte at sa China tungkol sa isyu sa West Philippine Sea.
"Sinabi ng ating pinuno, hindi tayo puwedeng mag giyera-- tinuruan pa niya ng kaduwagan ang mga sundalo. 'Magtago nalang kayo dyan 'wag na lumaban.' Hindi ba ang panata ng mga sundalo ang mamatay nang dahil sayo...," aniya sa panayam sa GMA news.
"Ang ginawa pa ng ating pangulo, ginawang duwag. Ang daming klase ng giyera. Hindi lang giyera ng baril o pulbura. Giyera ng dasal at giyera ng protesta," dagdag pa niya.Ngayong taon, hindi siya naghain ng certificate of candidacy sa kahit anong posisyon para sa 2022 polls.