Inihayag ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na hindi pa kailangan ng pamahalaan namagkaloobng booster shots sa mga fully-vaccinated individuals sa bansa dahil wala pa naman silang nakikitang ‘waning effect’ o paghupa ng epekto ng bakuna.
Ayon kay Domingo, sa ngayon ay mababa pa lamang ang bilang ng mga breakthrough COVID-19 infections na naitatala ng FDA at nangangahulugan itong hindi pa kailangan ng pamahalaan na mag-administer ng booster shots.
“At this time, wala pa pong pangangailangan na magbigay ng booster dahil hindi pa tayo nakakakita ng waning effect noong vaccine,” pahayag pa ni Domingo, sa press briefing kay Pang. Duterte nitong Martes.
Nabatid mula sa datos ng FDA na mayroon pa lamang 516 breakthrough infections sa mga fully vaccinated individuals sa buong bansa at ito ay kumakatawan lamang sa 0.0025% ng 20.3 milyong fully vaccinated individuals sa bansa.
“Kung at fifth month makita natin na bumababa na 'yong kaniyang (vaccine) protection eh dapat dumadami po 'yong nagkakaroon ng breakthrough infection pero hindi pa natin 'to nakikita at this time,” dagdag pa ng FDA chief.
“So I fully agree that this time, there is no reason to believe that we need it (booster) immediately. Nakikita po natin na 'di pa po nagbabago,” aniya pa.
Mary Ann Santiago