BAGUIO CITY - Tatlong magkakapatid ang namatay matapos matabunan ng gumuhong bundok sa gilid ng kanilang kinatitirikan ng bahay sa kasagsagan ng malakas na ulan at hangin ng bagyong Maring noong Lunes ng gabi sa Sitio Ubbog, Central Ambiong La Trinidad, Benguet.
Ayon sa ulat, ang mga biktima na 2-anyos na babae; 6-anyos na babae at 8-anyos na lalaki kasama ang magulang ay naghahapunan sa loob ng kanilang bahay na gawa sa light materials nang mag-landslide at natabunan ang bahay dakong alas 8:00 ng gabi.
Dahil sa malawakang brownout at mabagal na signal ay mahigit sa isang oras bago nakapag-responde ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management.
Ang tatlong magkakapatid ay agad na isinugod sa ospital, subalit idineklara ang mga ito na dead on arrival. Ang mag-asawang Stephanie at Romnick Teligo ay nakaligtas sa trahedya.
Ayon kay Mayor Romeo Salda, ang pagbuhos ng malakas na ulan dulot ng bagyong Maring ay isa sa naitalang "heaviest record" na nagpabaha sa maraming barangay sa valley.
Samantala, sa Baguio City, apat na katao, kabilang ang 56-anyos na lolo at dalawa nitong apo na edad 12 at 4, ang iniulat na nawawala pa ngayon habang isinasagawa ang search and rescue operation matapos ma-landslide ang kanilang bahay dakong 7:30 ng gabi ng Lunes sa Marosan Alley, Barangay Dominican Mirador.
Ayon sa ulat, ang biktima ay na-trapped sa natabunang bahay dakong alas 7:30 ng gabi, pero dahil sa brownout at kawalan ng komunikasyon ay naiulat ito dakong 9:30 na ng gabi.
Ayon kay Mayor Benjamin Magalong, kasalukuyang isinasagawa ang search operation gamit ang bagong life detector.
As of 5:30 a.m ngayong Martes, 12 pamilya na kinabibilangan ng 56 indibidwal mula binahang City Camp Central Happy Homes Old Lucban at Irisan ang nasa evacuation center ng City Disaster Risk Reduction and Management Office.Iniulat ng CDRRMC operation center ang 10 landslide/soil erosion incidents, 5 flooding incidents, 4 fallen/leaning trees/posts at 1 damage to property sa lungsod.
Nag-isyu din si Magalong ng Executive Order #130 para isuspinde ngayong Martes ang lahat ng trabaho sa public offices at mga klasedahil sa patuloy ba pag-ulan at malakas na hangin habang papalabas ng bansa ang bagyong Maring.
Zaldy Comanda