Matapos ang tatlong araw na pananahimik ng Palasyo kaugnay ng pagtanghal kay Maria Ressa bilang kauna-unahang Pilipinong Nobel Peace Prize awardee, nagbigay na ito ng pahayag nitong Lunes, Oktubre 11.

Nitong Oktubre 8, napili ng Norwegian Nobel Committee si Ressa at ang Russian journalist na si Dmitry Muratov bilang 2021 Nobel Peace Prize, pagkilala sa kanilang pagtataguyod ng kalayaan sa pamamahayag.

Nang tanungin ng midya ang Palasyo sa pahayag nito, ilang araw itong hindi tumugon hanggang nitong Lunes, kaswal na binanggit ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang isyu.

“Binabati natin si Maria Ressa bilang kauna-unahang Pilipino na nagwagi sa Nobel Peace Prize,” ani Roque sa kanyang opening statement.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“It’s a victory for a Filipina and we’re very happy for that kasi wala naman pong ‘utak-talangka’ dito sa Malacañang,” tugon nito nang hilingin ng midya dagdag na komento.

Kumambyo naman agad si Roque at giniit na sa kabila ng makasaysayang panalo, nanatiling “convicted felon” si Resa sa Pilipinas.

“It is true that there are individuals who feel that Maria Ressa still has to clear her name before our courts as, in fact, she’s a convicted felon for libel, cyber libel in the Philippines, and she faces other cases in the Philippines. That’s for the courts to decide,” sabi ni Roque.

Matatandaang nagkaroon ng isyu sa pagitan ni Pangulong Duterte at ng online news organization ni Ressa na Rappler.

Sa katunayan noong 2018, hinarang ang ilang mamamahayag mula Rappler sa pagbabalita sa Palasyo matapos makaladkad sa isang kontrobersyal na frigate deal ang pangalan ng noo’y alalay ni Duterte na si Senator Bong Go.

Argyll Cyrus Geducos