Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na wala siyang 'hard feelings' kay Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa desisyon nitong hindi tumakbo bilang presidente sa May 2022 elections.

Sa kanyang press briefing nitong Lunes, Oktubre 11, sinabi ni Roque na alam na niyang tatakbo si Duterte-Carpio para sa ikatlong termino bilang alkalde ng Davao sa eleksyon sa susunod na taon.

“Sinabi talaga sa akin ni Mayor Sara noong ako’y nakipag-usap sa kanya na mayor ang kanyang takbo. That was when my heart was broken dahil I wanted her to run for president,” aniya.

Nais ni Roque na tumakbo bilang Senador. Gayunman, nauna niyang sinabi na tatakbo lamang siya sa Senado kung tatakbo ang presidential daughter bilang pangulo.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Natapos na noong Oktubre 8 ang paghahain ng certificates of candidacy (COC) para sa 2022 poll aspirants. Sa parehong araw, kinumpirma ni Roque na hindi na siya tatakbo bilang senador.

“So sa akin po, alam ko na po ang desisyon. I was still praying and hoping na magbabago pero wala pong dahilan para sumama ang aking loob,"

“Hindi sumama ang loob ko. Bakit po? Pero syempre umaasa tayo na baka magbago ang isip, pero hindi na nagbago," dagdag pa niya. "Wala pong samaan ng loob. Talagang desisyon naman po yan ng kandidato."

Gayunman, maaari pang maging presidential bet si Duterte-Carpio kung magpapasya siyang maging substitute sa isang kandidato na naghain ng COC. 

Ngunit tinuldukan na ng alkalde ang senaryong ito.

Nitong Oktubre 9, nagpositibo sa COVID-19 si Mayor Sara.

"Ang mensahe po natin kay Mayor Sara at ang kanyang pamilya, please keep safe and get well soon,” ani Roque.

Ellson Quismorio