Tila nanghihinayang ang journalist at ngayon ay senatorial candidate na si Raffy Tulfo sa balitang pag-atras ni 'Wowowin' TV host Willie Revillame sa hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbo itong senador sa darating na halalan 2022 dahil sa potensyal nitong makatulong sa mas nakararami.
Noong Huwebes, Oktubre 7, binasag na nga ni Willie ang kaniyang katahimikan hinggil sa palaisipan ng publiko, kung tuluyan na ba niyang bibitiwan ang kaniyang Kapuso show na 'Wowowin: Tutok To Win' at pumalaot na nga sa mundo ng politika. Ayon mismo sa kaniya, hindi niya nakikita ang sariling nakikipagbangayan, nakikipagpataasan ng ihi, at gumagawa ng batas dahil hindi naman umano siya nakatapos ng pag-aaral. Baka lamang masayang umano ang boto ng taumbayan, kung sakali mang manalo siya.
“Sa araw pong ito, tuluy-tuloy pa rin ang Wowowin. Hindi ko po kailangan kumandidato. Hindi ko po kailangan manalo," isa sa mga tumatak na pahayag ng TV host.
"Hindi ko alam kung bakit siya umatras," reaksyon naman ni Raffy nang usisain ng press sa naging pasya ni Willie, sa isang media conference na ginanap para sa kaniya nitong Oktubre 9 sa isang restaurant sa Morato Avenue, Quezon City.
Ayaw umano niyang magbigay ng espekulasyon kung ano ang tunay na dahilan kung bakit umano umatras si Willie sa laban. Ang alam lamang niya ay kagaya niya itong matulungin sa mga hikahos na kababayan.
"Mataas ang pagrespeto sa kanya ng mga naghihikahos nating kababayan," ani Raffy.
"And ako rin mismo, nakita ko rin yung kaniyang career kung paano siya umakyat mula sa napakababang simpleng tao hanggang sa naging bilyonaryo at sikat na celebrity dahil sa kanyang pagkakaroon ng ginintuang puso sa pagtulong sa mga maliliit nating kababayan."
Noong Oktubre 2, 2021, pormal na naghain si Raffy ng kaniyang Certificate of Candidacy (COC) sa Commission on Elections, at tuluyan na nga umanong bibitiwan ang kaniyang mga programa sa TV5, lalo't nasa News Department siya.