Nag-turnover pa ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng karagdagang P1 bilyong pondo mula sa kanilang charity fund sa Department of Finance (DOF), sa pamamagitan ng Bureau of Treasury, nitong Lunes. 

Ito'y upang makatulong sa pamahalaan na makaipon ng pondong kakailanganin para sa kanilang mga programang pangkalusugan ngayong panahon ng pandemya.

Mismong si PCSO Vice Chairperson at General Manager Royina Garma ang nag-abot ng P1 bilyong halaga ng tseke sa Bureau of Treasury, na kinatawan ni Collecting Officer Purita Belgica, sa isang maikling programa na isinagawa sa Ground Floor ng PCSO Conservatory Building dakong alas-9:00 ng umaga nitong Lunes. 

Nauna rito, lumiham ang DOF sa PCSO at humiling ng karagdagang dibidendo mula sa PCSO retained earning na ang pondo ay inilagay na sa Charity fund 2019.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ito ay na-clear na umano ng Commission on Audit (COA) sa dahilang nai-remit na ng PCSO ang kanilang dibidendo na nagkakahalaga ng mahigit P2 bilyon, bilang pagtalima sa Republic Act 7656 of 2019 earnings net of tax. 

“This is in addition to the PHP2-billion remittance dividend of PCSO in 2019. Nagdagdag kami ng PHP1 billion this year. This is in support of the need to raise funds ng ating gobyerno because we really need money to finance the health programs of the government. So bale, for 2019, because of this P1-billion turnover, plus the P2.219 billion that was already turnover in 2019, umaabot tayo ng P3,219,815,648, representing the 50 percent minimum compliance as provided under RA 7656 of 2019 earning net of tax of PCSO,” ayon kay Garma.

Tiniyak pa ni Garma na patuloy na magkakaloob ang PCSO ng pondo para sa healthcare programs ng gobyerno, lalo na ngayong dumarami ang mga pasyenteng humihingi ng atensiyong medikal dahil sa pandemya.

“Since the start of pandemic, last year March, we were able to donate PHP300 million to our government hospitals last year with regards to our medical access program, we are dispensing around PHP7M-P8 million a day for chemo drugs, dialysis medicines, and financial assistance sa mga medical bills. Aside from, of course, the routine medicine donations natin where LGUs can directly request from us. Yesterday, galing akong Surigao, we just turned over PHP120,000 worth of medicines,” ani Garma.

Nabatid na mandato ng PCSO na itabi ang 30% ng kita nito para sa charity, 55% para sa mga premyo at 15% para sa kanilang operasyon.

Ang iba pang balanse ng anumang pondo ng PCSO ay magiging bahagi naman ng kanilang charity fund.

Kaugnay nito, nagpasalamat rin si Garma sa publiko at hinikayat ang mga ito na patuloy na tangkilikin ang mga PCSO games para makalikom sila ng pondo para sa kanilang health programs, medical assistance and services at charities. 

“I would like to thank 'yong mga suki naming manlalaro ng PCSO, especially our agents na since last year 2019 nag-lockdown, they sacrifice their lives para lang po tuloy 'yong palaro ng PCSO. They were able to comply with all the required contributions since the lockdown last year. They did not fail our government in providing funds,” dagdag pa ni Garma.

“Salamat po sa lahat ng mananaya ng Lotto. Kayo po 'yong aming hero, kayo po 'yong katuwang ng PCSO para madugtungan ang buhay ng ating mga kababayan na higit na nangangailangan ng pinansyal para po makabili ng mga gamot,” aniya pa.

Nauna nang nagpalabas ang PCSO ng mahigit sa P202.2 milyong halaga ng medical assistance sa 24,360 eligible beneficiaries nationwide nitong Setyembre sa ilalim ng kanilang Medical Access Program (MAP). 

Mary Ann Santiago