Nadiskubre ng militar ang mahigit sa 1,000 landmines at dinamita na gagamitin sana ng mga miyembro New People's Army (NPA) laban sa mga sundalo sa Malaybalay, Bukidnon, kamakailan.
Sa pahayag ng 8th Infantry Battalion ng Philippine Army (PA), aabot sa 1,076 piraso ng dinamita at anti-personnel landmines (APMs) ang nakumpiska ng tropa ng pamahalaan sa Sitio Malinao, Barangay Kalasungay, nitong Oktubre 8.
Resulta ito ng pagbibigay ng impormasyon ng dating lider ng NPA na sumuko sa gobyerno, kamakailan.
Binanggit ng sumurender na dating squad leader ng Sentro De Gravidad Dario, Guerrilla Front 89, Sub-Regional Committee 2, North Central Mindanao Regional Committee, kaya niya isinuplong sa militar ang imbakan ng nasabing pampasabog dahil ayaw niyang magamit pa ito sa mga sundalo at sibilyan.
Sa pahayag naman ni 8th IB commander Lt. Col. Edgardo Talaroc Jr., ang pagkakadiskubre ng mga pampasabog ay nagpapatunay lamang na nilabag ng NPA ang mga probisyon ng Ottawa Treaty.
“We will also investigate and find out the source who gave the said dynamites to the (NPA) to file charges against them,” pahabol pa na pahayag ng opisyal.
PNA