Marami ngayon ang nagtatanong kung ano na ang nangyari sa insidenteng kinasangkutan ng Kapamilya actor na si Jake Cuenca nitong Sabado ng gabi, Oktubre 9.
BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/10/10/jake-cuenca-inaresto-ng-mga-pulis/
Matatandaang hinabol at inaresto siya ng mga pulis sa Mandaluyong City, matapos na mabangga ang police mobile, at nagtuloy-tuloy lamang sa pagmamaneho. Dahil dito, hinabol siya ng mga pulis, at nang hindi pa rin siya huminto, binaril na nila ang gulong nito, na naging dahilan naman upang di-sinasadyang matamaan ang isang Grab rider na agad namang nadala sa ospital.
Ang naturang Grab rider ay kinilalang si Eleazar Bandolan Martinito, 43, na kaagad na naitakbo sa Rizal Medical Center sa Pasig City, na sumailalim umano sa surgery.
Batay sa imbestigasyon, papunta umano si Jake Cuenca sa bahay ng kaibigang Kapamilya actor na si Paulo Avelino. Hindi umano lasing si Jake nang magmaneho ito.
Habang nagmamaneho, may nadaanan umano siyang mga sasakyang nakahinto na pinapara siya, subalit dedma siya dahil hindi naman niya kilala dahil mga nakasibilyan kaya hindi siya huminto, sa halip ay pinatakbo niya nang mabilis dahil sa takot kung bakit siya pinapara ng mga ito, kaya nasagi niya ang isang sasakyang nakaparada sa kalsada, na isa palang police mobile.
Doon na siya hinabol ng mga pulis, at dahil masyadong tinted ang kaniyang sasakyan, hindi nila namukhaan ang nagmamaneho nito. Pinaputukan na nila ang gulong ng kotse. Nang nakita na niyang may mga pumaparang nakaunipormeng pulis, saka lang siya huminto. Pinababa umano siya upang masuri ang loob ng sasakyan, subalit wala naman silang nakitang bagay na ilegal.
May nangyayari palang buy-bust operation ng mga sandaling iyon, kaya inakala ng mga pulis na kasabwat siya, dahil hindi siya huminto sa mabilis na pagmamaneho.
Agad namang nagtungo ang ama ni Jake sa Mandaluyong Police Station nang tawagan siya nito.
Kaya naman, walang kasong isinampa kay Jake at agad na nakauwi. Hindi na rin umano natuloy ang pagsasapa ni Jake ng kaso sa mga pulis na bumaril sa gulong ng kaniyang kotse, dahil batay sa latest update, ang mga ito pa ang mananagot sa nabaril nilang sibilyan.