Makukulong ng walong taon at multang₱100,000 ang naghihintay sa mga abusado, lasinggero at nagtataksil na asawa.

Ito ang babala ng Korte Suprema matapos nilang pagtibayin ang hatol ng hukuman sa isang mister na gumagawa ng nasabing mga bagay.

Sa pinagtibay na desisyon ng kataas-taasang hukuman, kumbinsido ang mga mahistrado sa mga naunang hatol ng regional trial court at ng Court of Appeals (CA)sa akusadong hindi na isinapubliko ang pagkakakilanlan kaugnay ng paglabag nito saAnti-Violence Against Women and Their Children Act (Republic Act No. 9262).

Inilabas ng CA ang kanilang hatol noong Marso 19, 2018.

Isinapubliko naman ng Korte Suprema ang kopya ng kanilang desisyon nitong Oktubre 7.

Sa rekord ng kaso, tumestigo sa korte ang misis ng akusado at sinabing sa loob ng 23 taon nilang pagsasama, naranasan nito ang pagiging lasenggo at pambabae ng kanyang asawa.

Noong Oktubre 2010, isinalaysay ng testigo na nag-away sila ng asawa nito at pinalayas sila sa bahay, kasama ang limang anak. Natuklasan din nito na nambabae ang asawa at nagsasama na rin ang mga ito sa kanilang bahay.

Bukod naman sa pagkakakulong at pagmumulta, inatasan din ng Korte Suprema ang akusado na sumailalim sa 15 na araw namandatory psychological counseling o psychiatric treatment at pinahaharap din ito sa korte kapag natapos na niya ito.

Rey Panaligan