Posible umanong sa pagtatapos ng buwang ito ay maiklasipika na bilang ‘low-risk’ sa COVID-19 ang National Capital Region (NCR).
Ayon ito kay OCTA Research Group Fellow Dr. Guido David, ay base sa criteria na ginagamit ng kanilang grupo.
Sinabi ni David nitong Linggo na nag-peak na ang virus cases sa NCR at nakakapagtala na lang ng seven-day average na 2,000.
Ayon pa kay David, wala rin silang nakikitang variant of concern na nagbabanta ngayon kaya’t sa tingin nila ay magtutuluy-tuloy na ang pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 hanggang sa panahon ng Pasko.
“Maaaring by end of October, maaaring nasa low risk na ang NCR, based sa criteria namin,” pahayag ni David sa panayam sa teleradyo.
“Wala tayong nakikitang variant of concern ngayon na threatening, na pwedeng pumasok sa bansa natin. So ang talagang tingin natin, tuloy-tuloy na 'yan hanggang Pasko,” ayon pa kay David.
Sa kasalukuyan ang COVID-19 reproduction number sa NCR ay nasa 0.6 na, bumababa na rin ang hospital occupancy rate sa rehiyon at ang positivity rate ay nasa 13% na lamang.
“Within this week, baka nasa 4-digit na lang, less than 10,000 na ang (national) average natin. Ngayon kasi, naglalaro pa sa 11,000 ang 7-day average natin sa buong bansa,” dagdag pa ni Guido.
Aniya pa, ang pagbaba ng kaso ay posibleng dulot na rin ng herd immunity dahil nasa halos kalahati na ng eligible population sa rehiyon ang fully-vaccinated na laban sa COVID-19.
Malaking bagay rin aniya ang patuloy na pagtalima ng mga mamamayan sa pagsusuot ng face mask paglabas ng bahay kahit pa bakunado na sila laban sa virus.
Una na ring sinabi ng Department of Health (DOH) na naobserbahan na nila ang pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Mary Ann Santiago