Nagbigay na ng opisyal na pahayag ang ABS-CBN sa kontrobersyal na pagtakbo ng 'Magandang Buhay' TV host na si Momshie Karla Estrada sa ilalim ng party-list na 'Tingog' sa darating na halalan 2022, na isa umano sa mga party-list na bumoto ng 'NO' na mabigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN.
“In her desire to continue serving her kababayans, Karla Estrada has decided to run for public office. We respect our decision and wish our Kapamilya well as she pursues her mission of service,” ayon sa pahayag ng ABS-CBN. Tumugon naman dito si Momshie Karla na makikita sa comment section.

"Salamat Kapamilya," saad ng actress-TV host.
Kamakailan lamang ay bumuhos ang batikos sa kaniya ng mga 'hard-core' na tagahanga ng tambalang 'KathNiel' at mga Kapamilya Network dahil sa kaniyang ginawang pagtakbo sa party-list na hindi sumang-ayong mabigyan ng bagong prangkisa ang kanilang home network. Hinamon pa nila ito na i-withdraw ang kandidatura, kundi ay ibo-boycott ang KathNiel.
Sentimyento ng mga tagahanga ng tambalan at home network, wala naman umano sa kanilang problema kung naisin nitong makatulong sa mga taga-Tacloban sa paraang nais nito, subalit bakit kailangan pa umanong sumali sa partidong 'kumitil' sa Kapamilya Network upang makapag-broadcast ito nationwide.
Anila, kaunting delicadeza naman daw lalo't malaking-malaki ang naitulong ng Kapamilya Network sa pagsikat ng kaniyang anak na si Daniel Padilla, gayundin, nagtiwala rin umano kay Karla ang network para maging TV host sa morning talk show.
Kamkailan, nai-anunsyo na ang panibagong teleserye ng KathNiel na '2 Good To be True' na magsisimula na ang lock-in taping.
Samantala, nagpaabot naman ng pagsuporta ang mga kaibigan at kasamahan sa industriya, lalo na ang kaniyang mga kapwa momshies sa Magandang Buhay na sina Melai Cantiveros at Jolina Magdangal
"Alam kong mabuti ang hangarin mo para sa mga kababayan mo sa Tacloban," ayon sa caption ng IG post ni Jolens.