Wala umanong dinulot na mabuti para sa bansa ang mga pamilyang politiko, ayon kay Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso noong Biyernes, Oktubre 8.

Aniya, ginagamit lamang ng mga ito ang politika upang makaganti sa karibal na pamilya.

“Ang away ng pamilyang yan walang dinulot na mabuti sa ating bayan. Sila ay tumatakbo para maghiganti sa isa’t-isa. Sila ay tumatakbo dahil sa kulay ng kanilang pulitika," paliwanag ni Domagoso.

Dagdag pa ng alkalde na kung hindi dahil sa mga nag-aaway na pamilyang politiko sa nakalipas ng 30 na taon, nasa mabuting kalagayan umano ang bansa.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

NIlinaw ni Domagoso na ang pagtakbo nila ng kanyang running mate na si Dr. Willie Ong ay upang matugunan ang sitwasyon ng Pilipinas at mga mamamayan nito.

“Gusto kong linawin sa inyo na ang dahilan ng ating pagtakbo bilang pangulo at kasama si Doc Willie ay tungkol sa sitwasyon, kalagayan ng ating bayan at mamamayan," ani Domagoso.

“…Ang layunin ni Isko and ni Doc Willie ay maibsan ang kahirapan ng bawat pamilyang Pilipino, bawat siyudad, munisipalidad, at probinsya ng buong bansa. Hindi dahil sila’y tatakbo o kayo’y tatakbo dahil sa mga tatlong dekada ng away-away ng mga pamilyang pulitiko lamang," dagdag pa niya.

Binigyang-diin din ni Moreno na ang tunay na kaaway ay ang coronavirus disease (COVID-19), na naging sanhi ulang mawalan ng trabaho ang maraming manggagawa at pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Ang tunay na kaaway natin ay COVID-19. Ang COVID-19 na nagdulot ng pandemya, na nagresulta ng hirap ng tao sa pamumuhay, kawalan ng trabaho at pagtaas ng presyo ng pangunahing bilihin," aniya.